PITO katao ang nadakip nang mahuli sa aktong nagtutupada, malinaw na paglabag sa anti-gambling operation, sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Plaza Aldea, bayan ng Tanay, lalawigan ng Rizal, nitong Linggo, 16 Enero.
Kinilala ni P/Lt. Col. Ruben Piquero, hepe ng Tanay MPS, ang mga nadakip na suspek na sina Jesson Malinao, Edgardo Barrera, Santos Lopez, Alvino Alegre, Efren Alegre, Christian Ventura, at Jimmy Capalac, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Dakong 2:00 pm kamakalawa nang makatanggap ang pulisya ng ulat na may tupada sa Sitio Waray, sa naturang lugar.
Agad nagsagawa ng pagsalakay ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek at pagkakakompiska ng dalawang manok na panabong, isang bihag na may tari, at perang taya sa tupada.
Kasalukuyan nang nakapiit ang pitong mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa PD 1602. (EDWIN MORENO)