INILIKAS ng mga awtoridad ang aabot sa 166 pamilyang apektado ng pagbaha sa mga bayan ng Mawab at Nabunturan, lalawigan g Davao de Oro, nitong Linggo ng umaga, 16 Enero.
Dahil sa patuloy na pag-ulan at pagtaas ng baha, isinagawa ang preemptive evacuation sa mga barangay ng Basak at Bukal, sa bayan ng Nabunturan.
Bukod sa mga binahang lugar, pinalikas rin ang mga residenteng nakatira sa mga flood at landslide-prone area.
Base sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), aabot sa 166 pamilya mula sa limang barangay sa Nabunturan ang inilikas.
Ayon din sa lokal na pamahalaan, dinalhan ng relief goods at pagkain ang mga evacuees.
Sa bayan ng Mawab, isinagawa ang preemptive evacuation sa ilang barangay dahil sa baha.
Nagkaroon ng landslide sa bahagi ng highway sa Kilometer 70, Brgy. Tuboran, Mawab.
Ayon sa PAGASA, nagdala ng mga pag-ulan ang shear line na nakaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao.