BIG WINNER si Japanese pachinko king Kazuo Okada sa laban nito sa kanyang mga tormentor sa isang kilalang hotel casino sa Parañaque City.
Ibinasura kamakailan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng lower court na naunang nag-utos na litisin sa kasong estafa ang former chairman at chief executive officer ng Okada Manila hotel resort.
Sa desisyon ng CA noong 9 Disyembre, ipinawalang-bisa rin ng mataas na hukuman ang order ng Parañaque regional trial court na arestohin ang ‘pachinko king’ batay sa reklamo ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI), ang Philippine firm na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng naturang hotel at gaming company.
Noong Hunyo 2017, pinatalsik ng TRLEI si Okada sa kanyang puwesto gayondin sa board kasama si TRLEI president at chief operating officer Takahiro Usui. Kasunod nito ay kinasuhan ng board si Okada ng umano’y paglustay ng $3.1 milyong pondo ng TRLEI at pinananagot ang negosyanteng Japon sa nasabing salapi.
Noong Mayo 2019, ibinaba ni Parañaque Regional Trial Court Branch 257 judge Rolando How ang desisyon laban kay Okada na litisin ang Japones sa kasong estafa dahil umano sa ilegal na paggastos ng pondo ng TRLEI.
Dahil dito, inisyu ng lower court ang mga warrant of arrest para sa Japanese businessman. Ipinaaresto rin si former TRLEI president at COO na si Usui.
Pumalag kapwa si Okada at Usui at kinuwestiyon nila ang trial court decision sa CA.
Batay sa December ruling ng CA, sinabi ng appellate court na lubhang inabuso ng lower court ang diskresyon nito sa pagpapalabas ng arrest warrant laban kina Okada at Usui sa kabila ng kawalan ng probable cause.
“There was lack of probable cause to issue warrants of arrest because not all the elements of the crime of estafa was proved,” ayon sa CA desisyon na isinulat ni Associate Justice Alfredo D. Ampuan.
“There was no misappropriation or conversion by Mr. Okada of the money received,” dagdag sa ‘Desisyon’ na sinang-ayunan ng dalawa pang associate justice na sina Pedro Corales at Bonifacio Pascua.
Iginiit ng CA, “the amount paid to Okada was not entrusted to him for safekeeping or administration. Rather, it was paid to him by TRLEI in consideration for services rendered as consultant and CEO.”
Dahil dito, tuluyang ibinasura ng CA ang mga kasong kriminal laban kina Okada at Usui at ipinawalang bisa ang mga arrest warrant para sa dalawa.
(HATAW News Team)