DINAKIP ng mga awtoridad ang isang rider ng motorsiklo sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Laguna, nitong Linggo ng madaling araw, 9 Enero, dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code provision na nagbabawal sa mga sibilyan na gumamit at magdala ng baril sa panahon ng eleksiyon.
Ayon sa ulat ng PRO 4-A PNP, naharang ang magsasakang kinilalang si Alejandro Tampis, 51 anyos, sakay ng kanyang motorsiklo, sa isang police checkpoint sa Brgy. Jose P. Rizal, sa nabanggit na bayan, dakong 1:30 am, kahapon.
Nabatid nang kinukuha ng suspek ang kanyang lisensiya mula sa kanyang sling bag, napansin ng isang pulis ang handle ng baril sa loob.
Nakompiska ng mga awtoridad mula kay Tampis ang isang calibre.38 baril may kargang bala.
Bigong makapagpakita ng kaukulang dokumento ang suspek na nagbibigay sa kanya ng permisong magmay-ari at magdala ng baril sa panahon ng halalan.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa batas kaugnay sa pagmamay-ari ng baril at paglabag sa Omnibus Election Code of the Philippines.