WALA nang buhay nang matagpuan ang dalawang construction workers sa isang irrigation canal sa bayan ng M’lang, lalawigan ng Cotabato, nitong Biyernes, 7 Enero.
Kinilala ni Bernardo Tayong, Municipal Disaster Risk Reduction and Management officer of M’lang, ang dalawang biktimang sina “Boboy” ng Brgy. San Vicente, bayan ng Makilala; at Niño Tamunan ng bayan ng Magpet.
Nadiskubre ng ilang mga residente ng Brgy. Buayan ang mga bangkay noong Biyernes ng umaga at agad nilang iniulat sa mga awtoridad.
Ayon kay Tayong, mayroong pinsala sa kanilang mga ulo ang mga biktima at naiahon ang isang motorsiklo mula sa kanal ng irigasyon hindi kalayuan mula sa mga labi.
Dagdag ni Tayong, pinaniniwalaang galing ang dalawa mula sa isang post-New Year party ng kanilang amo ng nakaraang gabi.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na pabalik na sa kanilang barracks ang dalawang construction worker nang mahulog sila sa kanal.