MATAPOS mapiit sa loob ng 32 taon, nakalaya na si Juanito Itaas, ang itinuturing na pinakamatagal na nakulong na political prisoner, nitong Biyernes, 7 Enero.
Ayon sa Kapatid, isang organisasyong sumusuporta sa mga pamilya at mga kaibigan ng mga bilanggong politikal, pinalaya na noong Biyernes ang 57-anyos na si Itaas mula sa New Bilibid Prison (NBP), sa lungsod ng Muntinlupa.
Ipinagkaloob ni Judge Gener Gito ng Muntinlupa Regional Trial Court ang kautusang may petsang 8 Nobyembre 2021, pabor sa habeas corpus na na inihain ng anak ni Itaas na si Jarel.
Ayon kay Gito, makalalaya si Itaas dahil sa mga GCTA (good conduct time allowance) credits na kanyang nakuha mula sa 32-taong pagkakakulong.
Pahayag ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, pinapurihan nila ang desisyon ng hukuman at umaasang pangungunahan nito ang mga pagpapalaya ng iba pang mga bilanggong politikal na nakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso bilang paghihiganti sa kanilang aktibismo o maging fall guy para sisihin sa mga operasyon ng NPA.
Dagdag ng grupo, hinihiniling nila sa pamahalaan na hayaag mamuhay nang mapayapa si Juanito Itaas at walang banta sa kanyang seguredad kasama ang kanyang pamilya, dahil ito ang unang pagkakataong makapagsisimula silang mamuhay nang normal sa labas ng piitan.
Samantala, naghain ang Office of the Solicitor General ng motion for reconsideration para sa pagpapalaya kay Itaas.
Ani Lim, nabuno na ni Itaas ang kaniyang sentensiya at wala nang dahilan upang tumagal ang kanyang pananatili sa kulungan o gipitin siya sa pamamagitan ng mga inihahaing mosyon ng Solicitor General.
Inaresro si Itaas noong 27 Agosto, 1989, dahil umano sa pamamaslang kay Col. James Rowe ng US Army sa lungsod Quezon.
Pinatawan si Itaas ng 39 taon at anim na buwang pagkakabilanggo noong siya ay 25 anyos.
Sa kabila nito, ikinasal siya sa loob ng piitan, at nagkaroon ng tatlong anak na nabuo sa panahon ng conjugal visits ng kanyang asawa sa NBP, ayon sa Kapatid.
Noong 1992, nagprotesta ang pamahalaan ng Estados Unidos sa rekomendasyong palayain si Itaas.
Binuno ni Itaas sa kulungan ang may kabuuang 32 taon, isang buwan, at 12 araw.
Ayon sa RTC, dahil sa GCTA, maaari nang ipagakaloob sa kanya ang kreditong 10,698 araw — o 29.31 taon — simula nang siya ay dinakip.
Nang tanungin si Itaas kung ano ang gagawin niya matapos makalaya, sinabi niyang magpapahinga muna siya at gusto niyang makasama ang kaniyang pamilya.