NAGLULUKSA ang pamilya at mga dating mag-aaral ng isang babaeng public school teacher na binaril sa harap ng kanyang bahay sa bayan ng Amadeo, lalawigan ng Cavite, nitong Miyerkoles, 5 Enero.
Ayon sa ulat ng CALABARZON Police Regional Office at Cavite PNP, sakay ng motorsiklo ang hindi kilalang suspek na bumaril sa biktimang si Normita Bautista, 58 anyos, tinamaan ng bala ng baril sa kanyang ulo, na agad nitong ikinamatay.
Nabatid na nagsisilbing guro sa senior high school sa Tagaytay City National High School si Bautista, kilala bilang si Teacher Noemi at nagtuturo ng asignaturang MAPEH.
Naganap ang krimen dakong 12:10 pm kamakalawa habang nakatayo sa harapan ng kanilang bahay sa Brgy. Salaban, sa nabanggit na bayan.
Agad nakatakas ang suspek sakay ng neon green na motorsiklo.
Samantala sa isang lumang paskil sa social media, nakita na noong Pebrero 2021, isang retiradong pulis ang itinurong naghagis ng granada sa bahay nina Bautista sa Bgy. Salaban.
Sa pagmamadali umano ng suspek na pulis, upang hindi makita ang paghahagis ng granada, siya ay nadapa at nakita ng mga nagpapatrolyang pulis ng Amadeo, Cavite.
Nasa kustodiya ng bomb disposal unit ang nasabing granada.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa likod ng pamamaslang.