NADAKIP ang walong suspek sa ileegal na droga at ilegal na sugal, sa bayan ng Montalban, lalawigan ng Rizal.
Kinilala ni P/Lt. Col. Marcelino Pipo, Jr., hepe ng Montalban police, naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Embran Makuyag, Fredrick Anastacio, Rolando Ebagat, Omelito de Guzman, Ernie Lumanglas, Jon Covad, Jr., Joselito Cruz, at Jan Danielle Batayola.
Unang natimbog sa buy bust operation ng grupo ni P/Lt. Fernan Romulo ang tulak na si Makuyag at nasamsam mula sa kanya ang ilang transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu, habang nadakip ang pitong iba pa dahil sa ilegal na sugal na cara y cruz at nakuhaan din ng hinihinalang shabu sa Brgy. Burgos at Brgy. San Jose, sa nabanggit na bayan, nitong Huwebes, 6 Enero.
Ayon kay Pipo, ang pagkakahuli sa mga suspek ay base sa mahigpit na direktiba ni Montalban Mayor Dennis Hernandez laban sa droga, sugal, at lalabag sa Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa muling pagtaas ng bilang ng kaso ng CoVid-19 at Omicron variant.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) at Presidential Decree 1602 o illegal gambling.
Kasabay nito, hinigpitan na rin ng lokal na pamahalaan ang paglabas mga hindi bakunado at hinimok na magpabakuna upang makaiwas sa nakamamatay na CoVid-19. (EDWIN MORENO)