TUNAY na masaganang bagong taon ang sasalubungin ng mahigit 2,000 pamilya ng informal settlers families (ISF) sa Quezon City, matapos mabili ng pamahalaang lokal ang mga lupang kanilang inokupa sa mahabang panahon na pag-aari ng mga pribadong indibidwal at mga pribadong kompanya.
Bago magpalit ang taon, nagpursigi si Quezon City Mayor Joy Belmonte na maisulong ang ‘Direct Sale Program’ upang makausap ang talagang may-ari ng mga lupang matagal nang pinamahayan ng mga ISF sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Naging daan ang mahusay na pakikipag-ugnayan ni Mayor Belmonte sa mga may-ari ng lupa na agad pumayag sa kagustohan ng punong-lungsod na ipagbili ang kanilang mga ari-arian na inookupa ng mga ISF. Nasundan agad ito ng pormal na pirmahan ng mga ‘deed of sale’ upang maisalin ang pagmamay-ari ng mga lupa sa ISFs.
Tulad na lamang sa mga taga-Villa Beatriz Laura sa Barangay Old Balara, 50 pamilya ng ISF ang nabiyayaan ng pag-aaring lupa na kanilang tinirikan ng mga tahanan sa mahabang panahon.
Napapayag ni Mayor Belmonte ang pribadong indibidwal na nagmamay-ari ng 5,000 square lote na ibenta na lamang ang ari-arian sa lokal na pamahalaan, na magbabahagi sa mga ISF ng titulo ng lupa sa ilalim ng Land Acquisition and Socialized Housing Program.
Ang 21-taon pangamba ng 2,000 pamilya ng ISF sa Barangay Baesa sa lupang pag-aari ng Prosperity Industrial Properties ay tinapos na rin ni Mayor Belmonte dahil naganap na rin kamakailan ang pirmahan ng ‘Deed of Sale’ sa pagitan ng Quezon City goverment at ng nasabing pribadong kompanya na kinatawan ni Susan Uy, nagmamay-ari ng 24,285 square meters na lote sa F. Carlos Medez-Pajo Phase 1 hanggang Phase 5.
Bibilhin ng mga pamilya ng ISF sa lokal na pamahalaan ang nasabing lupain sa mura at abot-kayang halaga upang mapasakanila ang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Binigyang diin ng Mayora na ang kanyang administrasyon ay patuloy na magsisikap masolusyonan ang problema sa pabahay ng lungsod.
“Kung ikaw ay taga-QC, kailangan ikaw ay nakatira sa Quezon City,” ang pahayag ni Mayor Belmonte.
“Tunay na may Joy sa Kyusi,” ang sagot na may kagalakan ng mga taga-Villa Laura Homeowners Association (HOA).
Nauna rito ang pagbili din ng lokal na pamahalaan sa anim na lupain na may kabuuang 22.5 ektarya na pag-aari ng Ramawil at Kanejin Properties sa Payatas, Tofmi Properties sa Bagong Silangan, at Howmart Phase 1 sa Baesa, kung saan ang mga pamilya ng ISF ay halos 40 taon nang naninirahan.