SINUSPENDE ng Department of Education (DepEd) ang face-to-face classes sa Metro Manila kasunod ng pag-iral ng Alert Level 3 sa rehiyon simula ngayon bunsod ng paglobo ng kaso ng CoVid-19.
“Face-to-face classes for pilot schools in NCR are suspended until the alert level reverts to Level 2,” ayon sa advisory ng DepEd kagabi.
Matatandaan, may 28 public schools sa Metro Manila ang pinayagan noon nakaraang buwan na magsagawa ng limited in-person classes nang ibaba sa Alert Level 2 ang rehiyon.
“Face-to-face classes in pilot schools in areas under Alert Levels 1 and 2 shall continue in the meantime that DepEd finalizes its report on the pilot face-to-face classes,” sabi sa advisory.
Isinailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 3 ang NCR mula 3 – 15 Enero 2022 sanhi ng mabilis na pagtaas ng kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Naitala kahapon ang 4,600 kompirmadong bagong kaso ng CoVid-19 sa Filipinas.
Kaugnay nito, iniutos ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang 3-day work suspension sa Supreme Court mula Enero 3 -5 dahil maraming Court personnel ang nagpositibo sa CoVid-19 antigen testing.
Habang isinara muli ng Baguio City ang kanilang borders sa mga turista simula kahapon dahil sa pangamba sa Omicron variant ng CoVid-19.