NANAWAGAN si re-electionist senator Joel “Tesdaman” Villanueva sa presidential wannabies na sinuman ang manalo sa darating na 2022 presidential election ay tiyaking mayroong sapat na pondong ipagkakaloob sa 2023 proposed national budget para sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) na higit na tutugon o tututok sa mga problema ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Villanueva, pangunahing may-akda ng Senate Bill No 2234 na ini-adopt na rin ng mababang kapulungan ng Kongreso, at hinihintay na lamang ang lagda ng pangulo para maging ganap na batas.
Tinukoy ni Villanueva, Chairman ng Senate Committee on Labor, isang magandang blueprint ang bagong tatag na departamento para matiyak ang proteksiyon ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa.
“Pero kung magiging epektibo ang DMW, kailangan nito ng sapat na pondo. Lahat ng polisiya, dapat tapatan ng salapi. Kung wala pong pondo, walang programang maipatutupad para sa mga kababayan natin,” ani Villanueva.
Iginiit ni Villanueva, hindi lamang ang pagtitiyak na mayroong trabaho ang OFWs kundi dapat din tiyaking mabigyan ng proteksiyon at kalinga ng pamahalaan.
Ipinunto ni Villanueva, isa sa malaking tulong kung bakit nagiging matatag hanggang sa kasalukuyan ang bansa sa kabila ng pandemya ay dahil sa remittances ng OFWs.
Bingyang-diin ng senador, lalong palalakasin ng DMW ang serbisyo sa OFWs sa apat na aspekto, na kanyang tinawag na “4Ps.”
“Proteksiyon, personnel, pondo at programa. Ito ang simpleng checklist ng mga gagampanan ng DMW na magsisilbing gabay kung nais magtagumpay ang kagawaran na ito,” dagdag ni Villanueva.
Tinukoy ni Villanueva na ang DMW ay naglalayong magtalaga o magdagdag ng ng mas maraming tao na magsisilbi sa mga OFWs.
“Magkakaroon po ito ng sariling pondo na hiwalay sa DFA na tatawagin nating AKSYON Fund na gagamitin para makapagbigay ng legal na serbisyo at iba pang tulong sa ating OFWs. Sisiguradohin po natin na may sapat na pondo palagi ang AKSYON Fund.”
Magkakaroon din umano ng maayos na programa ang DMW na tutugon sa pangangailangan ng OFWs, mula sa recruitment hanggang sa reintegration.
Magugunitang ang adbokasiya ni Villanueva ay magkaroon ng trabaho ang mga mamamayan para makatulong sa kani-kanilang pamilya at sa huli kaakibat ng kanilang pagkakaroon ng trabaho, ang pagkakaroon ng agarang aksiyon at solusyon sa bawat reklamo o problemang kahaharapin ng bawat manggagawa. (NIÑO ACLAN)