IPINAG-UTOS ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 nitong Biyernes, 17 Disyembre, ang pagpapalaya sa mga magsasakang bilanggong politikal na kinilalang sina Dario Tomada, Norberto Murillo, at Oscar Belleza.
Ipinagkaloob ni Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina ang ‘demurrer to evidence plea’ na kumikilala sa kakulangan ng ebidensiya ng prosekyusiyon.
Ayon sa Kilusang Magsasaka ng Pilipinas (KMP), itinuturing na pinagsikapang tagumpay ng bayan ang pagpapalaya kina Tomada, Murillo, Belleza.
Anila, inspirasyon ito para sa mga magsasaka sa buong bansa na humaharap sa mga kasong kriminal dahil sa pakikipaglaban para sa karapatan para sa kanilang mga lupang sinasaka.
Patuloy umano ang panawagan ng KMP sa ‘unconditional release’ ng lahat ng bilanggong politikal.
Matatandaang dinakip ang tatlong magsasaka noong taon 2010 sa ilalim ng rehimeng Aquino dahil sa gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanila kaugnay sa Hilongos mass grave.
Sa panahon ng kanilang pagkakakaaresto, nagsisilbi si Tomada bilang isang lokal na lider ng SAGUPA-SB (KMP Eastern Visayas), pinamunuan niya ang ilang mga kampanya para sa pagpapababa ng upa sa lupa at interes sa mga utang ng mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, karamihan sa 700 bilanggong political, 400 ang dinakip sa ilalim ng rehimeng Duterte, ay mga magsasaka.