Saturday , November 16 2024
4 PULIS-TAGUIG, 1 PA TIMBOG SA P30-M NAKAWAN SA PASIG Edwin Moreno

4 Pulis-Taguig, 1 pa timbog sa P30-M nakawan sa Pasig

ARESTADO ang apat na pulis-Taguig at ang kanilang kasabwat na hinihinalang pawang sangkot sa insidente ng nakawan sa lungsod ng Pasig nitong Sabado, 18 Disyembre.

Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Linggo, 19 Disyembre, ang nadakip na mga suspek na sina P/SSgt. Jayson Bartolome, P/Cpl. Merick Desoloc, P/Cpl. Christian Jerome Reyes, at Pat. Kirk Joshua Almojera — pawang mga nakatalaga sa Taguig City Police Station — at isang AJ Mary Agnas na kinilala bilang “staff” ng mga biktima.

Ayon sa ulat mula sa NCRPO, humingi ng tulong ang dalawang biktima kabilang ang isang Japanese national, mula sa mga awtordiad matapos manakawan sa Brgy. Kapitolyo, sa nabanggit na lungsod, kamakalawa.

Sa ulat sinabing puma­sok ang suspek na si Jhon Carlo Atienza sa #8 Sta. Elvira St., Barangay Kapitolyo, Pasig City saka tinutukan ng baril sina Joana Marie Flores Espiritu, 26, at Kani Toshiro, 42 anyos, dakong 12:01 am.

Sapilitan umanong pinabuksan kay Toshiro  ang vault at tinangay ang tinatayang P30 milyong cash at mamahaling cellphone.

Patakas na ang mga suspek, sakay ng apat na motorsiklo, ngunit nakasagupa nila ang mga nagrespondeng tauhan ng Pasig Police na kanilang nadaanan, napatay sa tama ng bala si Atienza at habang sugatan si P/SSgt. Bartolome.

Nagkasa ang pulisya ng pursuit operation na agad natunton ang papa­takas na mga suspek sa West Capitol Drive at Sta. Monica Street.

Ayon sa ulat ng pulisya, sa tangkang pagtakas sa mga awtoridad, itinapon ng mga suspek ang mga salaping nagkakahalaga ng P1.3 milyong cash.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga nagrespondeng pulis na gumanti ng putok hanggang abandonahin ng dalawa sa mga suspek ang kanilang mga motorsiklo at umakyat sa saradong gate ng West Capitol Drive kanto ng Sta. Monica St., sa nabanggit na barangay.

Nang-agaw umano ang mga suspek ng isang motorsiklo saka tumakas patungo sa direksiyon ng Bonifacio Global City sa mga lungsod ng Taguig at Makati.

Natagpuan kalaunan ang inabandonang nina­kaw na motorsiklo sa tabi ng Pasig Mega Parking Plaza sa bahagi ng Caruncho Avenue.

Gayondin, nag­saga­wa ang Intelligence Section ng Pasig CPS katuwang ang mga tauhan ng Sub-Station 1, Special Weapons and Tactics Team (SWAT), at Criminal Investigation Section ng follow-up operation na ikinadakip nina Reyes at Agnas.

Samantala, bolun­taryong sumuko sina Desoloc at Almojera sa Taguig CPS na kalaunan ay inilipat sa Pasig CPS.

Nasamsam ng pulisya ang higit sa P9,000,000 cash mula kay Reyes; P100,000 cash mula kay Desoloc; at mga baril mula sa apat na akusadong pulis.

Ayon sa NCRPO, nakatakas ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Ferdinand Fallaria, isang pulis NCRPO na tinanggal sa serbisyo; at isang Rowel Galan.

Natagpuang patay at may tama ng bala ng baril ang suspek na si Atienza sa kahabaan ng Kalayaan Ave., kanto ng Tolentino St., Bgry. Pinagkaisahan, sa lungsod ng Makati.

Narekober ng NCRPO sa lugar ang isang kalibre 9mm pistol na may marking PNP Property.

Nakatakdang sampa­han ng kasong kriminal at administratibo ang mga suspek.

(EDWIN MORENO)

About Ed Moreno

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …