NAPINSALA ang tinatayang 200 bahay sa dalampasigan ng lungsod ng Zamboanga matapos kumawala ang daluyong dulot ng bagyong Odette.
Ayon kay Social Welfare and Development Officer Socorro Rojas, nagpadala na ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga ng tulong para sa 206 pamilyang apektado na naninirahan mula Purok 1 hanggang Purok 5 ng Brgy. Labuan, sa nabanggit na lungsod.
Sa datos ng CSWD, tuluyang nawasak ang may 120 bahay habang 86 ang bahagyang napinsala.
Magkatuwang na nagsagawa ng assessment at nagbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya ang mga opisyal ng Brgy. Labuan, mga pulis, at mga tauhan ng CSWD.
Nakaranas ang lungsod ng malalakas na pag-ulan nitong Biyernes, 17 Disyembre, dulot ng bagyong Odette, ngunit ang malalakas na hangin at mga higanteng alon ang puminsala sa mga bahay sa kahabaan ng dalampasigan.