Wednesday , December 25 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan

SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet.

Ganito ko kayang ilarawan ang isang Jerry Sia Yap na nakilala ko ilang taon na ang lumipas simula nang kanya akong tanggapin bilang isa sa mga empleyado niya matapos lumisan sa dating peryodikong aking sinusulatan.

Sa unang tingin ko sa kanya ay sobrang seryoso kaya’t inakala kong siya ay estrikto ngunit nagkamali ako sa kalaunan, dahil hindi lamang empleyado ang naging turing niya sa akin kundi isang pamilya o anak na inaruga ng kanyang ama.

Napakasarap ng pakiramdam na ang isang boss na tulad niya ay walang  minuto o segundong ipinararamdam na boss ko siya o may-ari ng diyaryo na aking sinusulatan bagkus ipinaramadam niya ang pag-aalaga ng isang mabuti at responsableng ama.

Simula pa lamang noong taong 1999 ay nagsimula na akong magsulat sa diyaryo bilang working student at halos marami na akong diyaryo at mga boss na nakatrabaho subalit ibang-iba ang aking naging karanasan at naramdaman kay JSY dahil pilit ka niyang aabutin at yayakapin. Sobrang down to earth at napaka-humble na boss. Simpleng tao talaga.

Sa bawat dalaw ko sa opisina wala siyang bukang bibig kundi ang kumustahin ako at ang aking pamilya, pero ang balita sa Senado na kinatatalagahan kong beat ko ay huli niyang itinatanong.

Ultimong mga anak ko ay kukumustahin niya ang pag-aaral. Pati kalusugan ng pamilya ay kanyang inaalam. Hindi sa pagyayabang hindi ako nakaranas ng delay sa suweldo sa aming opisina o sa pangongolekta kompara sa ibang mga pinanggalingan kong mga peryodiko. Katwiran kasi ni Sir JSY, kaya nga naniningil ang tao ay kailangan ng pera at pinatrabahuan nila iyon kaya dapat ibigay.

At isang bagay na hindi ko kayang malimutan kay Sir JSY ay nang maospital ang aking asawa, nalaman niya pala ito.

Nagkausap kami sa telepono, kinumusta ang kalagayan ng aking asawa. At matapos ang aming pag-uusap sa telepono ay nag-message sa akin si Ate Pat ang aming finance officer, may ipinahulog daw sa account ko si Sir bilang tulong sa kalagayan ng asawa ko.

Tinawagan ko siya para magpasalamat, ang sagot niya: “Ingatan at magpagaling nang husto ang asawa mo. At huwag mong kalimutang alagaan ang iyong pamilya.”

Bagay na hindi ko inaasahan sa isang boss na tulad niya. Dahil sa kabila na busy siya at may pamilyang dapat na unahin at intindihin ay nagbibigay pa ng oras para sa pamilya ng kanyang mga empleyado. Mayroon ba kayong naging boss na naranasan ang ganitong klase ng pag-aalala? Mayroon siyang kusa sa pangangailangan ng kanyang kapwa.

Hindi lang po ‘yan, saksi din ako ‘pag ako ay nasa opisina namin sa HATAW, walang taong lumapit o humingi ng tulong sa kanya ang pinahindian niya. Lahat ng taong kakatok sa kanya para humingi ng tulong ay hindi napapahiya bagkus lalabas ng aming opisina na mayroong ngiti . Take note, ‘yan ay kahit hindi pa niya empleyado o nagsusulat sa ibang diyaryo. Wala siyang pinipiling tinutulungang tao at ako ay isa sa mga buhay na saksi rito. Ganyan kabuti ang aming Boss kaya da best siya talaga.

At sa tuwing Disyembre ng bawat taon, nagnenegosyo ako ng ham, lagi siyang oorder ng 30 piraso na nagkakahalaga ng P6,000 lamang ngunit kapag magbibigay ng bayad si Sir ay sobra-sobra. Sasabihin ko: “Sir sobra po ang bayad ninyo ngunit ang itutugon niya lang ay para sa  pamilya mo ‘yan pandagdag ngayong Pasko.”

At kay Boss Jerry lang ako nakaranas na walang umuuwing luhaan sa pa-raffle sa Christmas party. Hindi isa kundi tatlong regalo pa ang naiuuwi ng bawat isang indibidwal dahil tatlong round ang magiging raffle. Kaya ang nagiging problema ng marami kung saan isasakay ang mga appliances na napanalunan .

Take Note ang bawat raffle po ay walang nakalagay na donated by o galing kung kanino. Sa party ng HATAW lang ako nakaranas na hindi lamang empleyado ang dapat kasamang nagsasaya kundi ang buong miyembro ng pamilya ng iyong empleyado. Balewala ang perang gagastusin sa mga restaurant at catering matiyak lamang na masaya ang lahat ng empleyado at ang kanilang pamilya na dumalo sa party. Bukod sa raffle ay may iba pang mga grasyang ipinamamahagi si Sir.

Bawal ang magutom dahil kahit walang okasyon basta bumisita o pumunta sa opisina ang laging sasabihin kumain ka riyan at magmeryenda .

Hindi ko rin naranasang mag-solicit ng pangpa-raffle sa party ganoon din sa anniversary dahil katwiran ni Sir, siya na ang bahala sa lahat.

At kapag birthday niya, imbes kami ang magregalo siya pa ang nagreregalo, at sasabihin pa minsan, “Nag-abala ka pa,” pero naa-appreciate niya ang bawat regalong aming handog sa kanya.

Heto pa ang patunay na masasabi kong da best boss ever si JSY dahil noong kasagsagan ng pandemya maraming mga negosyo ang nagsara at nalugi at maging sa mga diyaryo ay natigil ang pag-iimprenta , ngunit sa kanya balewala iyon, ang mahalaga ang kapakanan ng kanyang mga empleyado.

Mantakin n’yo mas malaki pang halaga ang nakuha namin kaysa mga nakakuha ng Social Amelioration Fund (SAF) dahil madalas siyang nagpapahulog ng pera para kami at ang aming pamilya ay mayroong panggastos at pambili ng food. Lubhang nakatataba ng puso ang malasakit at pag-alalay ni Sir sa kanyang mga empleyado.

Noong Disyembre ng nakalipas na taon hindi uso ang party pero sa kanya hindi party ang ibinigay sa aming mga empleyado kundi ipinatawag kami isa-isa para bigyan ng Christmas bonus na cash, isang sakong bigas at groceries.

Nitong  nakaraang August nang muling magdeklara ng total lockdown ang pamahalaan ay muli naman siyang nagpahulog sa mga account namin. Nagpasalamat ako, ang sagot niya lang: “Bili food.”

Noong sandaling nalaman ko na pumanaw na si Sir JSY, ako ay napaluha, nabigla at natulala. Tinapik at tinanong ako ng aking mga anak: “Bakit ka umiiyak, Daddy?” Sinagot ko sila: “Wala na si Sir Jerry.”

Sabi nila uli, “Sinong Sir Jerry, ‘yung boss mo daddy? Paano ‘yan wala nang magbibigay ng pera sa atin lalo na pag Pasko at paano ang trabaho mo,” napahagulgol na lamang ako sa sobrang kalungkutan.

Hindi kasi naging lihim sa mga anak ko na ang bawat iwini-withdraw ko sa banko lagi kong sinasabi sa kanila nagpadala si Sir para may pambili tayo ng pagkain.

Kay Sir JSY, kailanman ay hindi namin kayo malilimutan ng aking pamilya. Ang napakabuti at napakataba mong puso ay mananatili hindi lamang sa alaala kundi sa aming mga puso. Ang bawat ngiti mo ay laging magpapaalala sa akin at sa aking pamilya na huwag mawalan ng pag-asa at magpakatatag sa buhay. 

Hindi sapat ang salitang salamat, ngunit handa akong ulit-ulitin ito kahit pa isang bilyon o trilyong beses dahil sa sobrang kabutihan at sa biyaya mong kaloob sa akin at sa aking pamilya. Salamat sa Panginoon dahil ginamit ka niya para maipamalas ang kabutihan at pagmamahal.

Hanggang sa muli nating pagkikita sa kabilang buhay Sir. Ang iyong pagpanaw sa mundo sa kasalukuyan ay hindi katapusan ng lahat bagkus ay bagong simula para sa bagong hinaharap. Saludo po ako sa inyo at karangalan kong maging empleyado mo at maging boss kita. At sa huli salamat po sa iyong pamilya sa pagpapahiram nila sa inyo sa amin.

About Niño Aclan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …