ni Maricris Valdez-Nicasio
COOL boss.
Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si Sir Jerry S Yap. Napa-cool kasi niya, organize, marunong makibagay sa lahat — mapa-empleado (mataas man o mababa ang posisyon), kaibigan, o simpleng taong noon lamang niya nakilala.
Ganito raw kasi ang taong marunong makipagkapwa. Walang pinipili, walang sinisino. Lahat pantay-pantay. Kaya naman kahit sino ang pumasok sa aming opisina sa HATAW na humihingi ng tulong sa kanya, walang tanong-tanong, magbibigay agad ng tulong nang bukal sa kanyang kalooban.
Minsan nga may pumasok sa opisina, mag-ina kinausap si sir, pagkatapos ng usap, may iniabot na si sir. Mayroon din lalaki nakipag-usap kay sir, pagkaraan may iniabot na. Mayroon din namang mga pagkakataong wala si sir sa opisina, ang hahanapin si Pat Caldeo, ang aming finance officer. May bilin pala si sir para sa taong iyon.
Ganito ang madalas na senaryo sa opisina ng Hataw. Kabi-kabila, from all walks of life ang lumalapit para humingi ng tulong sa aming boss. At muli wala kang makikitang reklamo , sige lang siya sa pagtulong.
Ganyan si sir JSY, kilala sa pagkakaroon ng
mabuting kalooban. Siya ‘yung taong tutulong nang walang hinihinging kapalit. Madalas nga hindi ka pa nagsasalita, mag-o-offer na siya ng tulong.
At nitong pandemya, ramdam na ramdam namin ang malasakit niya. Nariyang biglang magpapadala ng mensahe sa messenger para itanong kung ilan ang aking kolumnista at kasunod na niyon, ang tulong pinansiyal at ang mensaheng, “Konting ayuda lang. Cencya na kamo ‘yan lang nakayanan ko. Pang-grocery lang.”
Madalas ang ganyang mensahe niya nitong pandemya. Na siya na ang tumutulong siya pa ang humihingi ng pasensiya.
Si Sir hindi lang boss, kapatid din, tatay din. Laging nakaagapay. Kaya naman kapag nagkasakit ka, may iniinda alam niya. Ipapaalala niya na laging kumain, kasi ayaw niya ng payat. Kaya naman sa tuwing darating siya ng opisina laging may pasalubong. Bukod pa ang pagpapadala niya ng pagkain kapag may okasyon.
Kaya nang minsang may nagpuntang lalaki sa Hataw, aba naman ang bati, “ang tataba n’yo pala rito.” Ang sarap awayin ‘di ba?! Pero nagpigil kami at sinabing, “ayaw po ng boss namin ang payat sa opisina.”
Totoo po ‘yan. Ayaw ni sir JSY na payat kami. Minsan kasing nagkasakit ako, pumayat dahil nag-vegetarian ako. Ayun, ang bati kaagad ni sir, kumain daw ako ng marami. ‘Yan ang madalas niyang sinasabi sa tuwing nagkikita kami ha ha ha.
‘Yung thoughtfulness ni sir JSY likas talaga e. Walang pinipiling oras o araw o tao. Kaya forever grateful kami sa kanya. Hindi ‘yun mababago ng panahon at hindi ‘yun mawawala kailanman.
Marami pang kuwento ng kagandahang loob ni sir at kulang ang pahinang ito para isa-isahin.
Sa totoo lang nahirapan akong isulat sa maigsing kuwento ang mga bagay-bagay ukol kay sir. Pero kinailangan ko nang magsulat dahil dalawang beses ko siyang napanaginipan at may dumalaw na paruparong dumapo pa sa aking bisig.
Kay Sir Jerry Yap, isang pagsaludo sa kanyang kabutihan…Maraming-maraming salamat. Lagi ka po sa puso at isipan namin.