INAANYAYAHAN ni Manila Mayor at presidential aspirant Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ni Vice Mayor Honey Lacuna ang publiko na bisitahin ang “‘Paskuhan sa Maynila” na inilunsad sa Mehan Garden sa lungsod.
Ang Paskuhan sa Maynila ay matatagpuan malapit sa City Hall, ito ay isang buong buwan na aktibidad ngayong panahon ng kapaskuhan na binuksan nina Moreno at Lacuna makaraan ang pagtatapos ng “Manila EntrePinoy StrEAT Food Festival” noong 30 Nobyembre.
Ayon kay Yorme, ang ‘Paskuhan’ ay nagsimula noong 1 Disyembre, may kakaibang handog tulad ng magagandang lights and sounds shows at bazaar nag gift items na itinitinda ng maraming exhibitors at sari-saring mga pagkain.
Kaugnay nito, pinapurihan ni Yorme ang naging punong tagapangasiwa na sina Permits bureau chief Levi Facundo, Public employment service office (PESO) Fernan Bermejo at Tourism department chief Charlie Dungo sa nasabing proyekto kasabay ng anunsiyo na ang nagtapos na food festival ay kumita ng mahigit P2.7 milyon para sa small entrepreneurs na nakilahok at maging sa kanilang staff na lumikha ng 200 trabaho mula 12-30 Nobymebre 2021.
Sinabi ni Moreno, iniulat ni Facundo, ang food festival ay naging patok sa mga grupo at pamilya na nagtutungo sa Mehan bawat araw upang kumain ng mga panindang pagkain.
Nabatid na ang Paskuhan ay bukas mula 4:00 pm hanggang 11:00 pm hanggang 1 Enero 2022 at magtatapos hanggang 10:15 pm.
Paalala rin na sarado ito sa 24 Disyembre at 31 Disyembre.
Ang lahat ng participants sa “Paskuhan sa Maynila” ay fully vaccinated, may sapat na bilang ng mga pulis sa lugar para sa kaligtasan at seguridad, mayroong marshalls na mag-iikot upang magpaalala sa mga bisita ng ipinatutupad na health protocols.
Inaanyayahan ni Moreno ang publiko na mag- enjoy sa mga special treats tulad ng daily performers, 15-minute light shows, apat na beses kada gabi, arcade, TikTok booth at magkakaroon din ng games tulad ng shooting galleries at dart balloons.
Idinagdag ni Moreno, ang LOVE structure ay may makukulay na fountain at mayroong 70 retail stores na para sa shirts, dresses, toys, accessories, perfumery, souvenirs at powerhouse tools, bukod sa iba’t ibang uri ng native delicacies, Eng Bee Tin hopia varieties, grilling at shawarma station. Mayroon din Thai, Korean, Japanese, Vietnamese at Filipino dishes.
(BRIAN BILASANO)