NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operation ng Eastern Police District (EPD) drug enforcement unit sa lungsod ng Pasig nitong Lunes, 29 Nobyembre.
Kinilala ni EPD Director P/BGen. Orlando Yebra, Jr., ang mga naarestong suspek na sina Sonny del Rosario, 27 anyos; Edmund Dechoso, 45 anyos, gasoline boy; at Jetson Clemente, 36 anyos, BPO employee, pawang mga residente sa Brgy. Pinagbuhatan, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na dakong 4:30 pm kamakalawa, nadakip sa buy bust operation na ikinasa sa pamumuno ni P/Maj. Darwin Guererro sa bahay ni Del Rosario, nasasaman ng isang selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu, may timbang na 27.4 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P186,320, iba’t ibang shabu paraphernalia, at buy bust money.
Matapos dalhin ang mga suspek sa Rizal Medical Center para sa medical examination, dinala sila sa kustodiya ng Drug Enforcement Unit ng EPD para sa imbestigasyon upang masampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article ll ng RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (EDWIN MORENO)