HATAWAN!
ni Ed de Leon
KUNG napapansin ninyo, ang maraming projects ngayon ay iyong mga baguhang love teams, hindi na iyong mga sikat talaga. Siguro nga bahagi iyan ng cost cutting, dahil siyempre iyong mga starlet pa lang ay mas mababa ang talent fees kaysa mga totoong stars. Lalo na nga sa kaso ng ABS-CBN na off the air pa rin, at nakikisakay lamang sa ibang estasyon.
Sinasabi nga nila na isa sa apektado sa nangyayaring ganyan ay ang itinuturing na number one matinee idol na si Daniel Padilla. Matagal nang hindi napapanood si Daniel gayundin ang ka-love team niya na siya pa namang box office record holder na si Kathryn Bernardo. Aba eh kahit nga sabihing ikaw pa ang box office record holder, kung matamlay naman ang mga sinehan dahil ang mga tao ay walang pera, kundi man takot pa, tapos may banta na namang panibagog higpitan dahil diyan sa Omicron variant, ano nga ba iyon.
Sina Daniel at Kathryn ay huling napanood sa isang serye na inilabas lang naman sa internet, na natural hindi rin masyadong napanood. Nasa internet na nga, may bayad pa, eh ang daming libre sa free TV.
Ngayon din, may pelikula si Daniel na kasali sa Metro Manila Film Festival pero tahimik pa sila tungkol doon. Sinasabi nga ng mga observer na kikita rin iyan dahil sa fans ni Daniel, pero huwag ninyong aasahan ang isang malaking hit. Una, hindi iyon ang karaniwang genre ng mga pelikula ni Daniel na nagiging hits. Pangalawa, iyon ay isinapelikula gamit ang Visayan language. Kaya nga kahit na Daniel Padilla pa siya, medyo dehado ang dating niya sa festival. Tapos nasabayan pa iyan ng panibagong variant ng Covid, iyong Omicron.
Minsan nga nalilito na rin kami kung ang pinag-uusapan pa ay Covid o Transformers eh, kasi parang sina Megatron at Dynacron kasama na rin yata.
Kung sa bagay, hindi naman inaasahan talagang malaki ang kikitain ng buong festival sa taong ito, dahil mayroong mga mall na nagdesisyon na ngang tuluyang isara ang kanilang mga sinehan at i-convert na lang na mga shopping area dahil mas mukhang viable na nga iyon kaysa mga sinehan. Ibig sabihin niyan, bababa ang bilang ng mga sinehan at liliit din ang market ng pelikula sa ating bansa.
Siguro darating ang araw na malalaking pelikula na lang ang mailalabas sa mga sinehan, at iyong mga pelikulang Ingles at karamihan sa ating mga B movies, lalo na iyong hindi naman sikat na artista ang bida ay ilalabas na lang sa internet.