SINIMULAN ng lalawigan ng Bulacan ang pagbabakuna sa mga Bulakenyo sa lahat ng sektor sa pagsisimula ng tatlong araw na National CoVid-19 Vaccination Day na isinagawa sa iba’t ibang lugar na naglalayong mabakunahan ang 182,982 indibidwal mula 29 Nobyembre hanggang 1 Disyembre 2021.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, direktor ng Bulacan Medical Center, mula sa 98 lugar ng bakunahan sa lalawigan kabilang ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, layon nitong makapagbakuna ng 1,000 katao kada araw habang 144,498 ang hangad na mabakunahan sa 21 munisipyo at 38,484 sa tatlong lungsod sa Bulacan.
Gayondin, positibo si Gob. Daniel Fernando na makakamit ito ng lalawigan bilang pakikiisa sa kampanya ng pamahalaang nasyonal na may temang “Bayanihan Bakunahan: Ligtas. Lakas. Buong Pinas.”
Bukas ang nasabing bakunahan sa lahat ng mga Bulakenyong may edad 12 anyos pataas na hindi pa nababakunahan ng unang dosis; pangalawang dosis para sa mga bata at matatanda, gayondin ang mga nangangailangan ng booster shots.
“Mas marami tayong mababakunahan, mas maganda para sa atin kaya inaanyayahan at hinihikayat natin ang mga Bulakenyo na hindi pa nababakunahan na samantalahin ang pagkakataong ito. Kahit po hindi kayo nakarehistro, puwede po kayong tumuloy at kayo po ay haharapin ng ating mga frontliner,” ani Fernando.
Matatagpuan ang mga vaccination site sa Bulacan sa Hiyas Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center para sa mga bata hanggang 1 Disyembre, habang sa Bulacan Capitol Gymnasium ang para sa mga matatanda hanggang 30 Nobyembre.
Para sa impormasyon sa mga lugar ng bakunahan sa mga munsipyo at lungsod, mangyaring bisitahin ang kani-kanilang opisyal na Facebook Page.
Bukod dito, namahagi rin ang pamahalaang panlalawigan ng maagang pamaskong handog sa lahat ng mga binakunahan. (MICKA BAUTISTA)