NAHAHARAP sa asunto ang tinukoy na quarry operator ng isang residente sa Sitio Upper Bangkal, Brgy. San Isidro, sa bayan ng Rodriguez, lalawigan ng Rizal, na puwersahang anila’y nagpapasok ng armadong mga guwardiya sa kanyang lupain.
Sa reklamong inihain sa tanggapan ni P/Lt. Col. Marcelino Pipo. Jr., hepe ng Rodriguez PNP, sinabi ni Roselo Espenera, nabili niya ang ang rights ng 9,000 square meters na propriedad mula sa isang matanda may 10 taon na ang nakalilipas.
Aniya, bigla umanong pinasok ang kanyang pribadong pag-aari ng mga guwardiya ng Silver Griffin Security Agency sa utos umano ng isang Allan Cruz, dakong 10:00 am nitong Lunes, 22 Nobyembre.
Una rito, gusto umanong bilhin ang lupa ni Espenera ni Cruz na nago–operate ng malawak na quarry katabi ang kaniyang lupain ngunit kanyang tinanggihan.
Gayonman, agad sinaklolohan ng Rodriguez PNP ang reklamo at pinayohang magsampa ng kasong trespassing at threat sa korte.
Ayon sa ilang residente sa lugar, matagal na itong gawain ng quarry operator na puwersahang nananakop ng lupa ng may lupa gamit ang impluwensiya.
Kasabay nito, nanawagan ang complainant kay Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na imbestigahan ang malawak na quarry operations sa lugar. (EDWIN MORENO)