NANAWAGAN ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na sugal upang lumaki ang kita ng ahensiya at matulungan ang mahihirap sa mga charity project nito.
Ito ang ipinahayag ni PCSO General Manager Royina Garma makaraang ibigay sa PNP ang P22,058,902.37 bahagi ng .5 porsiyentong share sa Small Town Lottery (STL), P8,823,523.72 para sa NBI, at P21,406,854.70 para sa Commission on Higher Education (CHED) o .1 porsiyento ng lotto sales.
Ani Garma, hindi siya humihingi ng kapalit sa mga ipinamahagi ng PCSO sa NBI at PNP ngunit nakiusap siyang suportahan ang ahensiya para matigil ang talamak na ilegal na sugal sa bansa.
Naniniwala si Garma, malaking bagay ang tulong ng dalawang ahensiya para mapalawak ang gaming product ng PCSO, tulad ng STL at lotto sa buong bansa.
Bahagi umano ng tseke na ibinigay sa NBI at PNP ay para masuportahan ang medikal na pangangailangan ng kanilang mga tauhan.
Personal na tinanggap ni NBI Deputy Director Atty. Eleonor Rachel Angeles, P/Col. Alejandra Silvio ng PNP Finance Service, at kinatawan ng CHED na si Patrick James Arao.
Nagpasalamat ang tatlong opisyal sa ayuda ng PCSO para tustusan ang health care ng kanilang mga tauhan lalo sa panahon ng pandemya. (EDWIN MORENO)