ALAM naming ito ay isang bagay na hindi papayagan ni Boss Jerry Yap kung nabubuhay pa siya.
Tumatanggi nga siyang pag-usapan ang ginawa niya noong panahon ng bagyong Yolanda. Habang ang mas malalaking media entity na kung sabihin pa ay pag-aari ng mga bilyonaryo ay nanghingi pa ng donasyon sa publiko para makatulong sa mga biktima ng bagyo, si Boss Jerry naglabas ng sarili niyang pera, ginamit ang mga sasakyan ng Hataw, at iba pang inupahan niyang sasakyan para mabilis na madala sa Leyte ang ayuda para sa mga biktima ng pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa.
Nitong panahon ng pandemya, si Boss Jerry lang iyong maya’t maya nagpapadala ng ayuda sa kanyang mga empleado, at iba pang mga kaibigang alam niyang nangangailangan. Mas malaki ang ibinibigay niya kaysa SAP, at natatanggap talaga ng dapat makatanggap ng buo. Marami ang naka-survive sa pandemya sa tulong ni Boss Jerry. Kaya nga nakalulungkot na kung kailan inaasahang matatapos na ang pandemya at saka pa siya umalis.
Nagulo ang buong industriya nang unang sumingaw ang balita na yumao na si Boss Jerry. Lahat ay nagpapahayag ng kalungkutan at panghihinayang. Hindi kalabisang sabihin na sana mas nauna na ang marami riyan na puro kalokohan lang ang ginagawa,bakit si Boss Jerry pa na matino?
Pero siguro iyon nga ang dahilan. Maraming mabubuting bagay nang nagawa si Boss Jerry para sa kanyang kapwa, at matibay ang kanyang pananalig sa Diyos, kaya hindi na niloob ng Diyos na makadama pa siya ng sakit dahil sa kanyang karamdaman. Niloob na ng Diyos na pagkalooban siya ng kapayapaan at kapahingahan.
Marami pang masasabi tungkol kay Boss Jerry. Isang matapang at makatarungang peryodista, isang pilantropo, isang mabuting ama hindi lamang sa kanyang mga anak kundi sa kanyang mga kasama sa trabaho na naging bahagi na ng kanyang pinalawak na pamilya.
Hindi na namin mararanasan ang isang Christmas party na iyong boss, ibinibigay ang lahat ng laman ng kanyang bulsa, at pati ang pera ng kanyang mga anak kinukuha pa para mai-Pamasko sa mga empleado.
Ayokong sabihing paalam Boss Jerry, kundi hanggang sa pagkikita nating muli.
(ni Ed de Leon)