Rated R
ni Rommel Gonzales
MAGWAWAKAS na sa ere ngayong Biyernes ang Legal Wives sa GMA. Bida rito si Dennis Trillo bilang si Ismael, at ang mga legal wives niyang sina Alice Dixson (Amirah), Bianca Umali (Farrah), at Andrea Torres (Diane).
Heavy drama ang Legal Wives kaya natanong si Dennis kung ano ang gusto niyang next project, drama ba ulit o iba naman?
“Gusto ko light naman,” sagot ng Kapuso Drama King.
“Gusto ko medyo, parang mga romcom, ganoon, basta ‘yung light. Gusto ko ‘yung malayo sa heavy drama, ‘yung hindi ko kailangang umiyak, ‘yung puro ngiti at saka tawa at pagmamahal lang ‘yung mga mangyayari.”
Ano ang aral na natutunan niya sa journey sa Legal Wives?
“Siguro ‘yung pinakaimportanteng lesson ay ‘yung pagrespeto sa kultura, pagrespeto sa relihiyon, at lalong-lalo na, pinakaimportante ang pagrespeto sa mga tao.
“Mapa-Maranaw man ‘yan, Islam o Kristiyano, ‘yung respeto sa tao.
“Iyon siguro ‘yung pinakaimportanteng natutunan ko dahil maraming mga tao na hindi nagagawa ‘yung respeto dahil hindi nila nauunawaan ‘yung mga bagay, hindi nila nakikilala ‘yung mga tao, ‘yung mga pinagdaanan nila.
“Pero rito sa show na ‘to siyempre pinag-aralan namin sila kaya nakilala namin at mas naintindihan, so siguro roon kami humanga sa kanila kaya ‘yung respeto talaga.”