Tuesday , November 19 2024
Balaraw ni Ba Ipe
Balaraw ni Ba Ipe

Hanggang yabang lang

BALARAW
ni Ba Ipe

BUONG yabang na nagsalita si Rodrigo Duterte na sagot niya ang mga pulis at opisyales ng PNP na sangkot sa Oplan Tokhang kung saan libo-libo ang pinatay dahil pinaghinalaan na sangkot sa ilegal na droga bilang adik at tulak. “Sagot ko kayo,” aniya kamakailan. Dati na niyang sinabi ito noong unang taon ng kanyang panunungkulan.

Walang detalye sa pangako. Napakamot ng ulo ang mga pulis dahil hindi nila lubos-maisip kung ano ang sasagutin sa kanila ni Duterte. Hindi maaari ang ipinangako ni Duterte na hindi sila mananagot sa batas sa malawakan at walang habas na pagpatay ng mga pinaghihinalaang adik at tulak. Hindi na ganito ang mundo ngayon.

Mas makatotohanan ang isinagot ni Sonny Trillanes sa hungkag na pangako. Huwag maniwala kay Duterte, aniya. Anim na taon ang termino ni Duterte at pagkatapos ng anim na taon, bababa siya sa poder. Dalawampung taon ang prescription period ng murder, dugtong ni Sonny Trillanes. Maaaring ihabla ang sinumang sangkot sa patayan sa loob ng 20 taon, aniya.

Pitong buwan at dalawang linggo na lang ang itatagal ni Duterte, sa Malacañang. Sa pagbaba sa poder, mawawala ang poder ng panguluhan. Dahil hindi na siya ang pangulo ng bansa, mawawala pati ang proteksiyon sa mga pulis at iba pang alagad ng batas o hindi alagad ng batas na sangkot sa maramihang patayan sa ilalim ng Oplan Tokhang. Nandiyan ang gantihan.

Ano ang isasagot ni Duterte sa sandaling bumaba siya sa poder sa ika-30 ng Hunyo, 2022? Ano ang isasagot niya sa mga inakusahan ng murder sa panahon na wala na siya sa kapangyarihan at isa na siya sa mga pinakawalang kuwentang tao sa balat ng lupa?

“Sagot ko kayo” – salita ng buwang iyan.  Binibigkas lang iyan sa mga usapan ng lasing. Hungkag at walang saysay sapagkat kahit ngayon wala siyang isasagot. Inamin niya na siya ang nagbigay ng order ng malawakang patayan sa ilalim ng kanyang madugo pero bigong digmaan kontra droga. Dahil aminado na siya, maaasahan na tuloy-tuloy ang pagsusulong ng sakdal na crimes against humanity na iniharap sa ICC nina Sonny Trillanes at Gary Alejano laban sa kanya at mga kasapakat tulad ni Bato dela Rosa, Dick Gordon, Jose Calida, Alan Peter Cayetano, at iba pa.

Ang susunod na detalye ay kung sino-sino ang mga pulis at opisyales ng PNP at kahit hindi kabilang sa PNP ang sangkot sa mga EJKs. Maraming ebidensiya ang naibigay sa International Criminal Court (ICC). Kasalukuyang tinatasa ang mga katibayan at sa ganang amin, inaasahan namin ang ulat bago matapos ang 2021. Madidiin si Duterte.

Lingid sa kaalaman ng kampo ni Duterte, sikretong kumilos ang maraming manananggol na kumausap sa pamilya ng mga biktima at nangalap ng mga katibayan at iba pang ebidensiya sa malawakang patayan kaugnay sa bigong gera sa droga. Umikot sila sa iba’t ibang panig ng bansa upang kompletohin ang mga ebidensiya.

Kinakatawan ng mga manananggol ang mga samahan ng mga abogado na ang komitment ay magbigay ng libreng serbisyo sa mahihirap upang magkaroon sila ng patas na laban sa husgado. Dahil nabibilang sa mga pamilyang mahihirap ang halos lahat ng biktima ng mga EJK (extrajudicial killings), boluntaryong naglingkod ang mga abogado.

Lingid sa kaalaman ng kampo ni Duterte, patagong isinumite ng mga manananggol sa ICC ang mga nakalap na ebidensiya. Kasama sa mga isinumite ang mga sinumpaang pahayag, ulat ng pulis, video clips, mga larawan, at iba pang katibayan na nagpapatunay na biktima ng EJKs ang mga pinatay. Sa sandaling matapos ang pagsisiyasat, hindi malayo na irekomenda ang paglilitis kay Duterte. Hindi malayo na iutos ang pagdakip kay Duterte.

Marami ang hindi nakauunawa at kasama na si Duterte at sampu ng kanyang mga kasapakat, tulad ni Harry Roque, na nagmamagaling na isang eksperto umano sa international law, na tuluyang umimbulog ang sistema para sa pandaigdigang katarungan (international criminal justice system). Hindi na bungi ang mga batas. Nandiyan na ang mga iyan upang magsilbing batayan sa pagtugis sa mga lider na nagpapatay ng sariling mamamayan.

Nariyan na ang International Criminal Court upang magsilbing isang pandaigdigang hukuman upang mangalaga sa karapatang pantao ng mamamayan lalo sa mahihirap na bansa. Ilan ito sa mga hindi nakita o nalaman agad ni Duterte at mga kasapakat. Ang buong akala niya, magagawa niya ang kanyang gusto nang walang pakundangan o paggalang sa isang makabagong kaayusan ng mundo. Nagkakamali siya.

***

MGA PILING SALITA: “When the State Department was headed by Rex Tillerson and was itself in turmoil, the U.S. government was largely silent regarding the drug war and human rights abuses. In August 2017, when Tillerson met with Duterte at the ASEAN summit in Manila, their discussion focused on the Marawi crisis and terrorism and did not include the human rights violations associated with the drug war. The State Department’s 2017 human rights report on the Philippines acknowledged that ‘extrajudicial killings have been the chief human rights concern in the country for many years and, after a sharp rise with the onset of the anti-drug campaign in 2016, they continued in 2017… Concerns about police impunity increased significantly following the sharp increase in police killings.’  However, it seemed to suggest that the drug-related EJKs were not all that different from other human rights abuses in the Philippines.” – David Timberman, isang iskolar.

About Ba Ipe

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …