KINUWESTIYON ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang panukalang “no CoVid-19 vaccination, no subsidy” para sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kamakalawa ang naturang patakaran dahil marami umano sa apat na milyong benepisaryo ng 4Ps ay hindi pa nagpapabakuna o ayaw magpabakuna kontra CoVid-19.
Nanindigan si Robredo na ang pagpapabakuna ay pagpapasya ng isang indibidwal at hindi dapat ipilit at gamitin sa pananakot.
“Si VP Leni sinabi na niya ito nang ilang beses, sa kanyang pananaw, hindi dapat pilitan ang ginagawa, hindi dapat pananakot,” ayon kay Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo sa panayam sa DZXL.
“Maraming solusyon na hindi kailangang puwersahan, ‘yun ang sinasabi ni VP Leni batay sa kanyang sariling karanasan,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Gutierrez, batay sa karanasan ng vaccine express ng Office of the Vice President, ang pagdadalawang-isip ng ilan ay ang posibilidad na mawalan ng kita kapag lumiban sa trabaho kapag nakaranas ng side effect ng bakuna.
Mas mainan aniya na bigyan ng insentibo ang magpapabakuna upang mapunuan ang pagkawala ng kita kapag hindi nakapaghanapbuhay dahil sa side effect ng CoVid-19 vaccine.
“So, minsan ang kailangan lang habulin incentive. Bibigyan mo ng katiyakan na kahit ikaw lagnatin, kailangan mo magpahinga ng isa o dalawang araw, hindi mo kailangan alalahanin ang iyong pamilya,” ani Gutierrez.
Kailangan aniyang paigtingin ang information campaign upang maengganyo ang mga tao na magpabakuna.
Batay sa pinakahuling Social Weather Stations, 64 porsiyento ng mga Pinoy ang gustong magpabakuna laban sa CoVid-19 , mas mataas sa 55 porsiyentong naitala noong Hunyo 2021.
Umabot sa P58.17 bilyon ang inutang ng administrasyong Duterte pambili ng CoVid-19 vaccine, P24.2 bilyon mula sa World Bank, P19.4 bilyon sa Asian Development Bank (ADB) at 14.57 bilyon sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).
(ROSE NOVENARIO)