FIRST degree burns ang dinanas na pinsala ng isang 17-anyos dalagita nang magliyab ang kanyang Halloween costume sa bayan ng Estancia, sa lalawigan ng Iloilo, nitong Linggo, 31 Oktubre.
Nabatid na lumahok ang hindi pinangalanang biktima sa isang patimpalak na inorganisa ng Pag-asa Youth Association of the Philippines sa plaza ng Estancia bilang pagdiriwang ng Halloween kamakalawa.
Nire-retouch umano ng mga kaibigan ng biktima ang likod na bahagi ng kanyang costume nang biglang lumiyab ang glue stick.
Agad nagresponde ang mga bombero mula sa Bureau of Fire Protection – Estancia at mga pulis mula sa Estancia MPS nang iulat ang insidente.
Dinala ang biktima sa Jesus M. Colmenares Memorial District Hospital sa kalapit na bayan ng Balasan upang agad lapatan ng atensiyong medikal.
Samantala, sinabi ni Ryan Ociel, isang guro na nag-upload sa Facebook ng video ng insidente, maraming humihimok sa kanya na burahin ang kaniyang post dahil kinuwestiyon niya kung bakit nagsagawa ng parehas na aktibidad ang organisasyon habang may mga nakataas na restriksyon dahil sa pandemya.