ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAPAPANOOD na simula ngayong Oct. 29 sa Vivamax ang pelikulang Sa Haba ng Gabi. Tampok sa horror-comedy movie na ito sina Kim Molina, Jerald Napoles, at Candy Pangilinan.
Sa pelikula, si Neneng (Candy) na katulong sa isang engrandeng mansiyon ng isang senator ay hinimok ang kanyang pinsan na si Jhemerlyn (Kim) na magtrabaho rito kasama siya. Hindi nagtagal, nadiskubre ni Jhemerlyn na ginagamit ng senador ang mansiyon para roon dalhin ang kanyang mga babae.
Hanggang isang araw, umuwi ang senador na maputla at mukhang may sakit. Di nagtagal ay nabalitaan ng magpinsan na may virus na kumakalat sa buong probinsiya at ginagawa nitong zombie ang mga tao. Habang nagaganap ang apocalypse, sa mansiyon din naisipang magtago ni Noel (Jerald), ang personal driver ng senator. Ito na ang simula ng pinakamahabang gabi sa buhay nina Neneng, Jhemerlyn at Noel.
Kumustang katrabaho sina Kim at Jerald?
Tugon ni Candy, “Parang wala namang difference, kasi parang hindi naman nagbago iyong dalawa, kung ano naman sila rati, ganoon pa rin naman sila ngayon. It’s the same, it’s still Kim and Je na nakilala ko rati, sila pa rin iyon.
“Kung tinatanong n’yo ay kung nagka-ere na sila dahil sa Vivamax, hindi naman po, hindi naman sila, yumabang. Kaunting-kaunti lang,” pabirong wika ni Candy.
Mabilis na sundot pa niya. “Hindi, wala po talaga, wala po talaga, hahaha!”
Paano niya ide-describe ang kanilang pelikula?
“Kasi, lahat ng shoot namin ay gabi, dahil nga Sa Haba ng Gabi… So, kaya ko namang takutin ang sarili ko, pero at the same time kasi ay natatawa ako sa idea na tinatakot ko iyong sarili ko at tinatakot ako ng mga zombies. Saka ang dami nga kasing delubyo na nangyari, e. Na dapat… pati si direk nag-revise nang nag-revise, kasi nga ay walang tigil ang ulan. So talagang kahit ano ang nangyayari ay idinideretso lang namin.
“So naramdaman talaga namin na parang apocalypse na, iyong ganoon? Kasi ang lakas ng hangin, nasa Tagaytay kami, giniginaw kami, umuulan, nababasa kami, pero deretso pa rin (ang trabaho).
“So, paano namin ide-describe ang pelikula? Nakakatakot siya na nakakagulat, pero nakakatawa. Nakakatawa, pero nakakagulat siya. Iisipin mo na ano ba ang gustong gawin ng mga ito? Ano ba ang gusto nilang palabasin, iyong parang ganyan.”
Kung may isang tao siyang ise-save sa panahon ng zombie apocalypse, sino iyon?
Nag-isip muna nang malalim si Candy, bago sumagot. “Sa pamilya ko… siguro iyong anak ko, iyong anak ko. Kasi iyong anak ko, maiingayan ‘yung zombie, kasi sobrang ingay ni Quentin. So, sa sobrang ingay ni Quentin, maiingayan iyong mga zombie at mase-save ko iyong ibang family member ko,” nakangiting saad pa ni Candy.
Mula Reality Multi-Media Studios at Viva Films at sa pamamahala ni Direk Miko Livelo, mapapanood na ngayon ang Sa Haba ng Gabi sa Vivamax.
Para sa local subscriptions, maaaring ma-avail ang P149/month watch-all-you-can plan sa VIVAMAX app at puwedeng magbayad gamit ang iyong debit, credit card, GCash or PayPal account na naka-link sa iyong Google, Apple o Huawei App Gallery account. Maaari rin mag-subscribe sa http://www.vivamax.net, pumili ng plan, at magbayad gamit ang PayMaya, Debit or Credit card, GCash, GrabPay, o sa ECPAY partner outlets na malapit sa inyo. Puwede rin mag-add to cart ng Vivamax subscriptions sa Shopee, Lazada, PayMaya at ComWorks Clickstore.