Rated R
ni Rommel Gonzales
WALA tayong kamalay-malay na umalis pala ng bansang Pilipinas si Legal Wives star Andrea Torres.
Ito ay matapos muling makasungkit ang aktres ng panibagong international movie project.
Ito ang pangalawang international movie project ni Andrea. Taong 2016 unang gumawa si Andrea ng international movie sa Cambodia para sa Fight for Love, na co-produced ng GMA Network and Cambodian Television Network (CTN).
Very proud si Andrea na mapasamang muli sa isang international movie.
“Siyempre po, proud ako and very, very excited. Gusto ko lang talaga na ipakita sa kanila kung paano tayo magtrabaho. Gusto ko rin, ‘yung mga boss ko sa GMA matuwa sa kung ano rin ‘yung sasabihin nila about us,” pahayag ni Andrea.
Itinuturing niyang panibagong blessing ang proyektong ito, na tila kukompleto sa isang napakasuwerteng taon para kay Andrea.
“Hindi ako makapaniwala! Napakalaking blessing na napakaganda ng taon na ito for me in terms of career. I’m very, very happy lang talaga,” bahagi ng aktres.
October 21 nang nagtungo si Andrea sa Argentina, para i-shoot ang ilang mga eksena ng pelikula. Mamamalagi siya roon ng dalawang linggo.
Pasional ang tentative title ng pelikula, na gaganap si Andrea bilang isang tango dancer.
Ang pelikula ay co-production ng Filipino producer, Argentinean producer, at GMA Network.
“It’s actually a love story. ‘Yun ‘yung pinaka-nae-excite ako kasi gustong-gusto kong gumagawa ng mga love story. I don’t want to say anything that might spoil it, pero natuwa lang ako sa idea kung paano sila nag-meet kasi parang destiny na magkita sila,” paliwanag ni Andrea.
Si Andrea lang ang tanging Filipino sa main cast pero magkakaroon din ng shooting dito sa Pilipinas, na nakatakda sa unang bahagi ng susunod na taon.
Samantala, patuloy na umaani ng papuri ang BetCin, ang mini-series na may walong episodes na bida sina Andrea (as Cindy) at Kylie Padilla (as Beth). Palabas ito sa WeTV at iFlix.