SINIRA at sinunog ng mga awtoridad ang may 60 container shipment na puno ng mga puslit na agricultural products sa bayan ng Porac, lalawigan ng Pampanga, nitong Lunes ng umaga, 25 Oktubre.
Tinatayang nagkakahalaga ng P360,000,000 ang mga kargamentong nasabat ng Bureau of Customs -Port of Subic (BoC Subic) na itinuturing na pinakamalaking kompiskasyon ng mga produktong agrikulutural sa nasabing pantalan.
Ayon sa BoC, idineklarang frozen bread, frozen jam, at yellow onion ang mga kargamento ngunit iba ang laman nito nang siyasatin ng mga awtoridad.
“Iba-iba ang laman nito, may carrots, broccoli, onions,” ani Agriculture Assistant Secretary Federico Laciste, Jr., ng Wide Field Inspectorate.
Sinisilip umano ang anomalya sa pag-aangkat dahil sa pagbuhos ng mga smuggled na gulay sa merkado.
Naka-consign ang mga nasamsam na kargamento sa Zhenpin Consumer Goods Trading, Duar Te Mira Non-Specialized Wholesale, Gingarnion Agri Trading, at Thousand Sunny Enterprise.
Aminado ang mga awtoridad na mahirap makipagkompetensiya sa presyo ng mga imported na hindi hamak na mas mababa kompara sa mga local produce, ngunit pagdidiin ng mga eksperto, hindi nakasisiguro ang konsumer kung ligtas kainin ito.
“May health hazard tayo kasi hindi dumaraan sa legal na facilitation, so kung wala ‘yang import permit, hindi natin alam kung may peste ba ‘yan o galing sa ano, mostly hindi ito fit for human consumption,” pahayag ni Laciste.