MATAPOS simulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa tinatatawag na ‘general population’ ng bansa, naniniwala si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na dapat obligahin ng Department of Health (DOH) ang mga magulang upang pabakunahan ang kanilang mga anak kontra CoVid-19.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Tolentino, sa ilalim ng Republic Act 10152 o Mandatory Infants and Children Health Immunization Act, ang Kalihim ng DOH ay puwedeng maglabas ng isang department circular upang i-update ang listahan ng mga “vaccine-preventable diseases” na posibleng masaklaw ng mandatory vaccination drive ng nasabing batas.
Sa ilalim ng Section 3 ng RA 10152, kabilang sa saklaw ng “mandatory basic immunization for all infants and children” ang mga sakit gaya ng diphtheria, tetanus at pertussis, polio, tigdas, beke, Hepatitis B at influenza.
Ngunit nakapaloob din sa probisyon ng Section 3(j), binibigyang kapangyarihan ng nasabing batas ang kalihim ng kalusugan na maglatag ng mga panuntunan patungkol sa pagbabakuna sa iba pang nakahahawang sakit — at posibleng maisama sa kategoryang ito ang bakuna laban sa CoVid-19, ayon kay Tolentino.
Aniya, malinaw at sapat na maituturing ang probisyon na nakapaloob sa 1987 Saligang Batas upang bakunahan ang mga batang estudyante laban sa coronavirus disease.
Paliwanag ng senador, sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Imbong, et al. vs. Ochoa, nakasaad na tungkulin ng estadong protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan at ang mga probisyon sa Konstitusyon tungkol sa kalusugan ay “self-executory” at hindi na nangangailangan ng ano mang lehislasyon o batas upang ito’y ipatupad.
“Iyon pong probisyon sa ating Saligang Batas tungkol sa kalusugan ay sapat na po na maging basehan para bakunahan ang mga bata,” ani Tolentino.
Giit ni Tolentino, malinaw ang utos ng Kataas-taasang Hukuman sa Imbong, et al. vs. Ochoa na mayroong mandato ang estado na protektahan ang kalusugan—at bahagi ng pagpoprotekta ng kalusugan ay ang pagbabakuna sa mga kabataan.
Nitong Setyembre, pinayagan ng Malacañang ang pagbabakuna sa lahat kabilang sa general population category.
May ilang pamahalaang lokal na sinimulan ang kanilang pre-registration para sa mga binatilyong edad 12 hanggang 17 anyos, matapos magkaroon ng emergency use authorization (EUA) para sa mga kabilang sa nabanggit na age bracket. (NIÑO ACLAN)