ni ROSE NOVENARIO
IBINISTO ni Pangulong Rodrigo Duterte na kabado si dating PNP chief, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa isinasawagang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong drug war ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Duterte, sinabi niya kay Bato na huwag mag-alala dahil sagot niya ang lahat ng nangyari kaugnay sa drug war at nakahanda siyang makulong kapag nahatulan.
“Si Bato nanerbiyos kasi kasali siya doon sa tokhang niya. Sabi ko huwag kang mag-alala. If there is any person who is going to prison, it would be me. But it should be a Filipino court manned by a Filipino judge and me prosecuted by a Filipino prosecutor at magpakulong ako rito sa — marami namang penal colony e ‘di doon na lang ako para hindi masyado,” aniya sa pagtitipon ng anti-communist task force sa Lucena City, Quezon kahapon.
“Ako ang magpakulong sa lahat. I — sinabi ko na noon e — I assume full responsibility. Kaya sabi ko kay Bato, ‘huwag ka mag-ano. Keep quiet there and just…’ Ako, ituro mo ako, ‘si Duterte ang nag-utos.’ Kung ano man ‘yang sa listahan mo, ‘utos ni Duterte ‘yan’ and I will answer for all. Iyan ang sinabi ko noon and it will continue until the end of my term,” dagdag niya.
Matatandaan, si Bato ang arkitekto ng Oplan Tokhang na nagpatupad ng drug war ng administrasyong Duterte mula noong 2016.
Si Bato ang standard bearer ng PDP-Laban Cusi faction.
Aminado si Bato na poprotektahan niya ang sarili at si Pangulong Duterte mula sa ICC kapag naluklok sa Malacañang sa 2022.
“I will not only protect President Duterte but also myself because we are both co-accused in the case there,” sabi ni Bato sa panayam sa ANC noong Martes.
Ilang grupo ang nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) na ideklara si Bato bilang nuisance candidate dahil sa pahayag niyang nakahanda siyang magparaya kay Davao City Mayor Sara Duterte kapag magpasya ang alkalde na lumahok sa 2022 presidential race.
Para sa human rights group Karapatan, dapat idiskalipika ng Comelec si Bato sa pag-amin na layunin niya sa presidential bid ang protektahan ang sarili at si Pangulong Duterte mula sa ICC probe at hindi upang magsilbi sa interes ng sambayanang Filipino.
“[A] candidate who is explicitly running for self-preservation — and not for the interest of the Filipino people — is nothing more than a shameless nuisance candidate who should be disqualified from the elections,” anang grupo.