PINAPAYAGAN na ang mga fully vaccinated senior citizen na makalabas ng bahay at makapasyal sa mga mall sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3 hanggang 31 Oktubre 2021.
“Hindi po natin binabawi iyong incentive na ibinigay natin sa seniors na kapag sila ay vaccinated e pupuwede po silang pumunta sa malls at pupuwede silang lumabas ng bahay, ganoon pa rin po iyon,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng mga ulat na ilang mall ang hindi pinapapasok ang fully vaccinated senior citizens.
“Ang hindi natin ina-allow pa ngayon ay iyong mga menor de edad na magpunta sa malls kasi hindi sila bakunado po, unlike the senior citizens na posibleng bakunado na sila. Dalhin lang po iyong inyong VaxCertPh or iyong proof of vaccination at ipakita sa mga malls,” ani Roque.
Kaugnay nito, inaprobahan ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagbiyahe ng mga kabataang may edad 18-anyos pababa kapag kasama ang kanilang mga guardian, ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos.
Puwede na rin ang individual outdoor exercises para sa mga menor de edad basta kasama ang kanilang guardian.
Sinabi ni Abalos, hihilingin nila ang extended mall hours bilang bahagi ng paghahanda sa Kapaskuhan.
Aniya, maaring magbukas ang mga mall ng 10:00 o 11:00 am at magsasara ng 9:00 o 10:00 ng gabi o kahit hanggang 12:00 ng hatinggabi.
Paliwanag niya, ito’y upang maiwasan ang sobrang bigat ng trapiko sa mga lansangan dahil maaaring magsabay ang pagpasok sa mga trabaho sa mga magtutungo sa malls.
Nais din aniyang ipagbawal ang ‘weekday sales.’
“Ito ay gagawin lang tuwing Sabado o Linggo, o kung meron lamang holidays. Ito’y sisimulan natin sa kalagitnaan ng Nobyembre,” sabi niya.