HARD TALK!
ni Pilar Mateo
OCTOBER 11 noong ipagdiwang nila ang anibersaryo ng pagiging sila.
Nagsimula naman kasi ang matamis na pagtitinginan nila, noong panahon pa ng Gwapings na hanggang sa HongKong eh nagkasama sila.
Mga bata pa sila. At naitago nila ang relasyon na agad din namang naputol. At nawala na sa showbiz si Abby Viduya matapos na enjoy-in ang limelight sa pagiging Priscilla Almeda.
Fast forward na. Sa haba-haba sabi nga ng prusisyon, malamang sa simbahan din tutuloy ang relasyon nila ng aktor na Konsehal na sa Unang Distrito ng Parañaque na si Jomari Yllana. Na muling tumatakbo ngayon sa ikatlong termino.
Sa Zoomcon sa Konsehal, nasa tabi nito si Abby sa kanyang opisina.
Hindi maikakailang all out ang suporta ni Abby sa kanyang “Baby” dahil nang mag-file ito ng CoC ay nanatili siya sa tabi ni Jom.
Madalas pumunta sa CamSur sa Bicol ang magsing-irog. May bahay doon sina Jom na ipinaaayos niya. Na roon naman tumatakbo ngayon si Anjo Yllana.
“Totoo ‘yun. Ako ang unang in-approach ng mga kababayan namin doon para tumakbo. Pero, hindi ko na maiiwan ang Parañaque na matagal na akong nagsisilbi.”
Kaya naman, dahil mahal ng mga Bicolano ang pamilyang Yllana, Garchitorena at Centenera, si Anjo na nasa mundo na rin ng politika ang kinausap ni Jom at ng kanilang inang si Mommy Vee para magpatuloy sa mga adhikaing nasimulan na ng kanilang angkan. Mula sa Lolo nilang isang World War II veteran at sa kanilang amang naging tapat sa tungkulin sa militar.
Ang Mommy Vee nga nila ang nagtulak sa magkakapatid para pumasok sa politika at magsilbi sa mga tao. Mukha ngang mas gusto ni Mommy Vee na sa politika mag-concentrate si Jom kaysa karera na ikinane-nerbiyos nito nang husto.
Bukod sa pagiging artista, kahit may basbas naman ang manager na si Tito Douglas Quijano sa pagtulong ni Jom sa mga tao, sumubok pa rin ito sa iba’t ibang larangan sa mundo ng showbiz.
Nag-partner sila ni Ronald Singson sa pagpo-produce ng mga concert ng mga foreign artist sa ilalim ng kanilang Fearless Productions. Sumali siya sa mga karera ng motorsiklo (Enduro) at kotse. Kaya nagka-negosyo rin siya na may kinalaman sa mga sasakyan.
Nagtamo ng mga parangal si Konsi Jom sa mga pinasok niyang karera. Kasabay ng pagkilala na rin sa kanya sa pagganap. At isa siya sa mga pambatong modelo ng clothing line na BENCH na inaabangan sa tuwing magtatanghal ito.
Dahil nagnanais din ang nag-aartista ng anak na si André na sundan ang kanyang yapak sa pag-karera, ang gustong iwang legacy ni Jom, bukod sa magandang serbisyo niya sa politika ay ang makapagpatayo ng school for racing na ipamamana niya kay André pagdating ng panahon.
“At the rate things are going now, sa nangyayari sa pandemya, maraming plano ang will have to take a backseat. Mahal na mahal ko ang pag-arte. Pero marami na akong tinanggihang proyekto. Like ‘yung ‘FPJs Ang Probinsyano.’ At ‘yung ‘On The Job’ ni direk Erik Matti and Dondon Monteverde sa HBO. Napakawalan ko ‘yun dahil sa mas priority ko ang trabaho ko sa opisina ko. Eh, nag-pandemic pa. Lalo na hindi ko makakayanan ang mahababang lock-in taping or shoot. Ang dami kong narinig na horror stories about it. Pero ‘yan na talaga ang lakad ng buhay natin lalo sa showbiz.”
Napag-uusapan naman na nila ni Abby ang kasal. But for now, sa taumbayan ng Parañaque na muna makikipag-ulayaw ang 3rd termer na si Konsi Jomari!