HATAW News Team
ISANG 26-anyos overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait ang na-comatose hanggang tuluyang mamatay dahil sa pag-inom ng ‘Sadiki’ sa pinuntahang birthday party ng isang kababayan sa Kuwait.
Pero hindi dito nagtapos ang trahedya, nang nabatid na namatay ang kanyang bisita, uminom ng ‘alcohol’ ang Pinay na may kaarawan, sa takot na hulihin ng Kuwait police, pagmultahin, parusahan, at ikulong sa nasabing bansa.
Sa ulat na nakalap ng HATAW News Team, kinilala ang comatose na OFW sa alyas na Joy, dalawang taon nang nagtatrabaho sa isang salon, may-asawa, at tatlong anak.
Matatapos ang kontrata ni Joy sa darating na Enero 2022 at maaari nang umuwi sa bansa, ngunit pinili niyang mag-extend ng kontrata para makaipon pa ng pandagdag sa pagpapagawa ng kanilang bahay.
Samantala, ang birthday girl, kinilala sa alyas na Jam, isa sa mga nagsuka kaya nakaligtas sa kamatayan, ngunit nang malaman niyang namatay si “Joy” ay piniling magkitil ng sariling buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng alcohol para takasan ang kamay ng mahigpit na batas sa Kuwait.
Sa hindi pa opisyal na ulat, nabatid na noong nakaraang Lunes, 11 Oktubre, gaya ng nakaugalian, inimbita ng birthday girl na si “Jam” ang mga kasamahan at kaibigan na nagtatrabaho sa salon para magkaroon ng kainan at kaunting inuman.
Dakong 6:00 pm, bago umano pumunta sa birthday celebration, tumawag muna si “Joy” sa kanyang nanay, araw-araw niya itong ginagawa mula nang magtrabaho sa Kuwait, at ipinaalam na pupunta siya kina Jam para sa maliit na handaan.
Ngunit, iyon na pala ang magiging huling tawag ni “Joy” sa kanyang pamilya dahil kinabukasan, araw ng Martes hanggang Miyerkoles, nagtaka ang kanyang ina kung bakit hindi siya makontak.
Noong araw ng Huwebes, 14 Oktubre, nagpasya ang ina ni Joy na tawagan ang isa pa niyang kasamahan na kinilalang isang alyas Angie, at doon nila nabatid na naospital ang kanyang anak dahil na-comatose sa pag-inom ng Sadiki kaya dalawang araw na-confine sa ospital ngunit hindi nakaligtas sa kamatayan.
Si alyas Angie ay hindi nakapunta sa birthday party.
Habang ang ibang bisita sa birthday celebration, kabilang ang isang alyas Anne, ay nagawa umanong sumuka kaya hindi nadamay sa pagkalason.
Hindi na rin nagpaospital ang mga nagsuka, sa takot na sila ay maimbestigahan.
Sa huling komunikasyon ng pamilya, nabatid na ibibiyahe ang bangkay ng mga biktima, pauwi sa bansa.
Ang Sadiki, ayon sa ilang OFW, ay isang uri ng ‘homemade’ na inumin na mayroong alcohol. Ipinagbabawal sa mga bansang nagpapraktis ng Islam o Muslim countries ang pag-inom ng alcohol.
Tinatawag din itong ‘Pacquiao’ ng mga Pinoy dahil kapag tinamaan ang uminom ay tiyak mana-knockout. Ang kaigihan lang umano nito, walang hangover.
Kapag nahuling uminom ang mga Pinoy o ibang lahi sa mga bansang Muslim, gaya ng Kuwait, sila ay magmumulta ng malaking halaga, makararanas ng 500 hagupit ng latigo o higit pa, at ikukulong bilang parusa.
Ang Sadiki ay mula sa salitang Sadik ng mga Arabo na ang ibig sabihin ay kaibigan. Noong 2018 at wala pang pandemya, nabibili ito sa halagang 80 hanggang 100 Saudi Arabian Riyal (SAR) kada 750 ml o P1,500 sa ating salapi kada isang litro (1000 ml).
Karamihan umano ng nagbebenta nito ay mga Indiano o Bombay kaya mas madalas tawagin na Indian wine.
Maraming kaso ng pagkalason sa Sadiki ang naiulat kaya ilan ang nagpapayo na kung iinom nito, kumuha ng isang kutsara saka silaban. Kapag asul o blue ang kulay ng apoy, ito ay ligtas, pero kapag dilaw o berde, delikado.
Sabi nga, “baka diesel na ‘yan.”