PATAY ang anim na hinihinalang mga kawatan at pawang mga miyembro ng carnapping gang
Nang tangaking pagnakawan ang isang gasolinahan at makipagbarilan sa mga awtoridad nitong Huwebes ng Miyerkules madaling araw, 14 Oktubre, sa Marcos Highway, Sitio Boso-Boso, Brgy. San Jose, Antipolo City, sa lalawigan ng Rizal.
Nabatid na dakong 1:30 am kahapon nang tangkaing holdapin ng mga suspek, armado ng matataas na kalibre ng baril, ang isang gasolinahan sa sa nabanggit na lugar sakay ng isang motorsiklong Yamaha Mio at kotseng Kia Rio.
Nang maiulat sa pulisya ang insidente, agad nagsagawa ng magkasanib na operasyon ang Antipolo PNP, Highway Patrol Group (HPG), Rizal Provincial Intelligence Unit at Rizal Provincial Mobile Force Company (PMFC) upang tugisin ang mga suspek.
Dito namataan ng mga awtoridad ang isang kotseng may plakang ABQ 2011 na dapat ay plaka ng isang Nissan Almera, at isang motorsiklong may plakang NR-4967UG.
Imbes sumuko, pinagbabaril ng mga suspek ang mga awtoridad na sakay ng police mobile habang papapatakas patungo sa bahagi ng Baras, Rizal.
Ilang minutong nagpalitan ng putok ng baril ang dalawang panig hanggang sumemplang ang motorsiklo at sumampa sa barrier ang kotse ng mga suspek na nagpulasan habang nakikipagbarilan sa operatiba.
Bumulagta ang mga suspek habang tinamaan ng bala ng baril ang suot na bullet-proof vest ng isang pulis at police mobile.
Narekober sa lugar ng enkuwento ang 40 basyo ng bala ng iba’t ibang kalibre ng baril, at mga armas na gamit ng mga napaslang na suspek.
Ayon sa ulat ng pulisya, responssble rin ang mga akusado sa serye ng mga holdapan at carnapping sa Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, at Rizal.
Napag-alamang nagsanib ang mga criminal group ng mga suspek sa Pampanga at Rizal upang magsagawa ng pagnanakaw sa mga establisimiyento. (EDWIN MORENO)