WALANG kibo ang Malacañang sa paggawad ng 2021 Nobel Peace Prize kay Rappler CEO Maria Ressa sa kabila ng papuri sa kanya ni US President Joseph Robinette “Joe” Biden, Jr., at ng iba’t ibang grupo at personalidad sa loob at labas ng bansa.
Si Ressa ang kauna-unahang Filipino na nakasungkit ng prestihiyosong Nobel Peace Prize kasabay ni Russin journalist Dmitry Muratov bilang mga mamamahayag na nanindigan para sa freedom of expression.
Matatandaang naging paboritong atakehin ni Duterte ang Rappler dahil kritikal sa kanyang administrasyon.
Sa isang kalatas, inihayag ni US President Biden ang pagbati sa masugid at walang takot na pagpupursigi nina Ressa at Muratov sa paghiling ng transparency, at paglaban sa pag-abuso sa kapangyarihan, at korupsiyon.
Kung tameme ang Malacañang, ang Kremlin ay nagpahayag na welcome sa kanila ang karangalan na ipinagkaloob kay Muratov.
“We can congratulate Dmitry Muratov,” sabi ni Kremlin spokesman Dmitry Peskov sa mga mamamahayag sa ulat ng Reuterrs.
“He persistently works in accordance with his own ideals, he is devoted to them, he is talented, he is brave.”
Pinuri ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sina Ressa at Muratov sa pagtatanggol sa kalayaan sa kabila ng sinagupang maraming hamon.
“We commend them for defending these freedoms in increasingly challenging conditions — in Ressa’s case, these [have] included a raft of cases and legal proceedings — and are proud to be in the community of independent journalists ready to hold the line with them,” sabi ng NUJP.
“We hope this award will shine more light on those who put the spotlight on the truth at a time when basic freedoms and democracy are under attack.”
(ROSE NOVENARIO)