INILIPAD ng Cebu Pacific nitong nakaraang linggo ang 531 Filipino mula sa Dubai sakay ng dalawang Bayanihan flights, bilang pagtugon sa panawagan ng pamahalaan na tulungang makauwi ang mga Pinoy na stranded sa Gitnang Silangan.
Isinagawa ng Cebu Pacific ang espesyal na commercial flights nitong 6 at 8 Oktubre sa pakikipag-ugnayan ng special working group ng pamahalaan.
Bukod sa meal upgrades, nakatanggap ang bawat pasahero ng dalawang flight ng karagdagang 25-kg baggage allowance.
Sa kanilang pagdating sa bansa, kailangang sumunod ng mga pasahero sa ipinaiiral na health protocols, kabilang ang mandatory facility-based quarantine; at swab test na gagawin sa ikalima o ikapitong araw depende sa kanilang vaccination status.
Sasagutin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga gastusin sa quarantine hotel at RT-PCR test ng mga OFW.
Nakipag-ugnayan ang Cebu Pacific sa mga hotel na accredited ng Bureau of Quarantine (BOQ) upang matiyak na mayroong kaukulang pasilidad para sa mga OFW at sa kanilang mga kaanak.
“We remain fully committed to bringing Filipinos home amid the ongoing health crisis. As we enter the holiday season, we are happy to enable them to reunite with their loved ones,” pahayag ni Alex Reyes, Chief Strategy Officer ng Cebu Pacific.
Simula noong Hulyo, mahigit 5,000 Filipino mula Dubai, Abu Dhabi, Oman, India, Vietnam, Lebanon at Bahrain ang naihatid pauwi ng Bayanihan flights at mga chartered flight na inorganisa ng DFA.
Ang Cebu Pacific ang may pinakamalawak na domestic network sa bansa na mayroong 32 destinasyon, kabilang ang walo nitong biyaheng internasyonal.
Isa sa pinakabata sa buong mundo, kabilang sa 74-strong fleet nito ang dalawang ATR freighter at isang A330 freighter.