ni ROSE NOVENARIO
SUMABAK na si Vice President Leni Robredo kahapon sa 2022 presidential race bilang independent candidate kahit nanatili siyang chairperson ng Liberal Party.
Napaulat na si LP stalwart Sen. Francis Pangilinan ang kanyang magiging running mate.
Bago ihain ni Robredo ang kanyang certificate of candidacy (COC) kahapon sa Comelec ay nakipagkita muna siya sa mga kaalyadong sina Sen. Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros, at human rights lawyer Chel Diokno.
Kasama ni Robredo ang mga anak na sina Tricia at Aika nang isumite ang kanyang COC.
Tiniyak ni Robredo na ibabalik ang disenteng pamamahala at maayos na pagtugon sa CoVid-19 pandemic.
“Buong-buo ang loob ko ngayon. Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako. Lalaban tayo. Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022,” ani Robredo sa kanyang talumpati nang ianunsiyo ang presidential bid.
Naniniwala ang opposition coalition 1Sambayan na pamumunuan ni Robredo ang sambayanang Filipino “in healing the nation, reviving the economy, eradicating graft and corruption, and restoring our pride and dignity as a people.”
Welcome sa Makabayan coalition ang kandidatura ni Robredo sa pagka-pangulo at nakahanda silang makipagtulungan at iba pang non-administration candidates upang wakasan ang “Duterte’s tyranny, preventing a Marcos restoration, and uplifting the country from the catastrophe of the past five years.”
“Even as they have formally filed their candidacies, we urge VP Robredo, Mayor Isko Moreno, and Sen. Manny Pacquiao to continue exploring possibilities for unification,” ani Bayan Muna chairman at senatorial bet Neri Colmenares.