MAS gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na dalhin sa Korte Suprema ang isyu ng pagbabawal niya sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na dumalo sa Senate ‘plundemic’ probe.
Tinagurian ng Philippine Bar Association at ng ilang senador, mga grupo, at personalidad na unconstitutional ang memorandum ni Duterte na nagbabawal sa paglahok ng mga opisyal at empleyado sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa manomalyang P12-bilyong medical supplies contract na nasungkit ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
“Eventually, I think, this will reach the Supreme Court. I am not saying that I am all correct. I may be wrong,” sabi ni Duterte kaugnay sa kanyang kontrobersiyal na memorandum.
Kailangan umano niyang protektahan ang sangay ng ehekutibo mula sa pang-iinsulto ng mga senador.
“I have to protect the Executive Department from the incessant and steady dose of insults coming from the senators,” aniya.
“Hindi man ako siguradong manalo doon, pero gusto ko lang makita ng Supreme Court ang pagkabastos ng mga senador. ‘Yun lang naman ang habol ko doon. Manalo, matalo,” dagdag ni Duterte.
Nagbabala si Duterte na ipakukulong ang mga senador kapag nakulong ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno dahil sa contempt.
“‘Pag i-cite kayo in contempt, ‘pag malaman ko, ang ikulong ko ang mga senador,” aniya.
Nauna rito’y inihayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na itinutulak ni Duterte ang isang constitutional crisis dahil nililimitahan niya ang kapangyarihan ng lehislatura, isang co-equal branch of government, na gampanan ang tungkulin.
“Itinutulak ng Pangulo ang isang Constitutional crisis para pagtakpan ang katotohanan at ang korupsiyon. Ginagamit pa ang Bayanihan Act para bigyang katwiran ang graft and corruption sa procurement,” sabi ni Bayan secretary-general Renato Reyes, Jr. (ROSE NOVENARIO)