IKATLO ang lalawigan ng Rizal sa pinakamaraming bagong kaso ng CoVid-19 batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) sa isinagawang virtual media briefing noong Linggo, 3 Oktubre.
Ayon sa pagsusuri ng Kagawaran at batay sa CoVid-19 National Situationer, ibinahagi ni Public Health Services Team undersecretary & DOH spokesperson, Dr. Rosario Singh-Vergeire, nasa Top 3 ang Rizal batay sa naitalang 558 bagong kaso noong Linggo.
Aniya, mataas ito kaysa 351 new cases noong 2 Oktubre at sa 413 noong 1 Oktubre base sa talaang nakalathala sa lalawigan ng Rizal Official Facebook account.
Samantala, nangunguna ang Quezon City sa may pinakamaraming naitalang bagong kaso na nasa 862, sinundan ng Isabela, 576; Rizal, 558; Cavite, 534; at Bulacan, 437.
Sa top regions of new cases, pumapangalawa ang CALABARZON sa lahat ng rehiyon sa bansa na may 1,231 bagong kaso habang nangunguna ang NCR na may 2,976 kaso.
Gayondin, nananatili sa moderate risk ang health systems capacity ng CALABARZON simula noong 24 Setyembre. (EDWIN MORENO)