NABUNYAG ang operasyon ng isang KTV bar sa Pasay City na ikinaaresto ang mga empleyado, dahil sa paglabag sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) Alert Level 4 sa Metro Manila.
Kinilala ni Pasay City police chief, Col. Cesar Pasayos ang mga suspek na sina Michael Relampago, 29, floor manager, residente sa San Marino Height, Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite; Elren Pusing, 32, waitress; Mark Anthony Cerbito, 27, waiter; Joel Caalim, 26, waiter; Jerry Quartero, Jr., 28, waiter; at Arjay Glen Rebulas, 33, ng nasabing bar.
Sa ulat ni P/Cpl. Gene Harmon Ashby, imbestigador, dakong 2:30 am nitong Linggo, 3 Oktubre, sinalakay ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ang GLX Galaxy KTV Bar na matatagpuan sa Hobbies of Asia, Macapagal Boulevard, Pasay City.
Nauna rito, may nakarating na impormasyon sa awtoridad na nananatiling nag-o-operate ang naturang KTV bar sa kabila ng pandemyang CoVid-19.
Huli sa akto ng mga pulis ang mga suspek sa loob ng bar, malinaw na paglabag sa IATF guidelines na ang mga bar at night clubs ay hindi pinapayagan sa ilalim ng GCQ Alert Level 4, kaya agad silang dinampot.
Ang lahat ng dinampot ay inisyuhan ng City Ordinance Violation Receipt (COVR) sa paglabag sa social distancing at curfew sa ilalim ng Pasay City Ordinance No. 6129 habang ang floor manager na si Relampago ay isinailalim sa inquest proceeding sa Pasay Prosecutor’s Office para sa hiwalay na criminal charge sa paglabag sa RA 11332, Sec (e), (Non-cooperation of the person or entities identified as having a noticeable disease or affected by the health event of emergency).
Ipinasara ng lokal na pamahalaan ang naturang KTV bar habang umiiral ang IATF guidelines. (GINA GARCIA)