FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
FINALLY, nakahanap na ng magdidirehe ng Darna: The TV Series ni Jane De Leon, si Direk Chito Roño.
Natagalang makahanap kung sino ang magdidirehe ng Darna project ni Jane dahil nga sa pabago-bagong kondisyon ng National Capital Region kasama ang Metro Manila para sa health protocols na ipinatutupad ng IATF dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID 19 cases na ilang beses ipinatigil ang shooting at taping ng mga pelikula at teleserye.
Hindi natuloy noon si direk Erik Matti sa pelikula dahil inabutan na ng maraming projects na gagawin. Pinalitan ni Direk Jerrold Tarog na ganoon din ang nangyari. Nakailang shooting days na pero natigil dahil nag-lockdown na ang buong Pilipinas noong Marso 2020.
Dinisisyonang gawin na lang TV series si Darna, pero hindi na tinanggap ni direk Jerrold dahil may prior commitment na siya sa ibang movie outfit.
Kaya nabinbin na naman ang paglipad ni Darna at kamakailan ay finally, nasukat na ni Jane ang costume niya kaya sobrang tuwa niya itong ikinuwento sa panayam niya sa ABS-CBN news.
At sa post ng JRB Creative Production sa Facebook page ay ipinaalam na si Direk Chito na ang hahawak ng Darna series.
“Pangungunahan ng highly-acclaimed box office director na si Chito S. Roño ang pinakahihintay na television adaptation ng Pinay superhero sa ‘Darna: The TV Series.’
“Magsisimula na ang taping ng programa sa Nobyembre kasama ang ‘master director’ na si Chito na nasa likod ng mga matagumpay na programa ng ABS-CBN na ‘Imortal,’ ‘Lastikman,’ at ‘Spirits’ at nagbabalik-telebisyon ngayon pagkatapos ng halos isang dekada para sa isa sa pinakamalaking proyekto ng Kapamilya Network sa 2022.
“Bitbit niya ang natatanging galing sa visual effects production at pagkukuwentong may kurot sa puso na aabangan sa makabagong adaptation ng karakter na binuo ni Mars Ravelo na ang ika-115 kaarawan ay gugunitain sa Oktubre 9.”
Isa si direk Chito sa in-house direct or noon ng ABS-CBN na idinirehe niya ang mga programang sumikat at mataas sa ratings game at mga pelikulang humakot ng awards.”
Base pa sa post,ang 2013 serye na Maria Mercedes ang huling TV project ni Direk Chito na kinikilala rin bilang ‘master of scare’ na gumawa ng blockbuster horror flicks na Feng Shui at The Ghost Bride.
Nagsilbi rin siyang director ng award-winning drama movies na Dekada ’70 at Bata Bata Paano Ka Ginawa? Siya rin ang gumawa ng family drama na Signal Rock, na naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category sa 91st Academy Awards.
Abangan ang nalalapit ng paglipad ni Darna!