NAGSAGAWA ng Random drug testing ang Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), at Local Government Units (LGUs) sa mga bus drivers na bumibiyaheng Cavite at Batangas sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) .
Sinabi ng tagapagsalita ng PITX na si Jason Salvador, layunin nilang maging ligtas ang mga pasahero sa kanilang paglalakbay.
Dagdag ni Salvador, sinuspende ang driver’s license ng apat na bus driver matapos magpositibo sa ilegal na droga sa isinagawang random drug test sa Parañaque.
Sa 47 Bus driver na sumalang sa drug test, apat ang nagpositibo sa paggamit ng illegal drugs na karamihan ay biyaheng Cavite.
Dahil dito agad kinompiska ng LTO ang lisensiya ng apat na driver at pinatawan ng suspensiyon hanggang hindi lumalabas ang kanilang confirmatory test. (GINA GARCIA)