MAY BASBAS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpabor ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceuticals Corporation kaya pinayagan gamitin ang barko ng Philippine Navy at C-130 plane ng Philippine Air Force (PAF) para kunin sa China ang medical supplies na ibinenta sa kanyang administrasyon.
Ito ang patutunayan ng Senado na taliwas sa mga naging pahayag ni Pangulong Duterte na walang mali sa paggawad ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ng P8.7 bilyong medical supplies contract sa Pharmally noong nakaraang taon.
“Pagka napatunayan namin ito, dagdag senyales na involved si President sa ganitong pagpapabor sa Pharmally kompara sa ibang kompanyang Filipino na mas may ‘k’ mag-procure ang PS-DBM to the point na pati ang ating C-130 at barko ng Filipinas ay ginamit para kunin ang supplies na ito,” ani Sen. Risa Hontiveros sa panayam sa DZMM Teleradyo.
“Klarong ‘di talaga sila puwedeng magdahilan na everything was by the book, walang maling nangyari d’yan.”
Sa kanyang Talk to the People noong Miyerkoles, inamin ni Pangulong Duterte na pinahintulutan niya ang paggamit sa C-130 para sa delivery ng pandemic supplies mula sa China.
“I said, ‘Use any means you want. Deliver it by land, water, or air.’ I gave the order because I want it to be done quickly,” anang Pangulo.
Nauna nang kinompirma ng isang PS-DBM official na ginamit ang mga barko ng Philippine Navy para kunin sa China ang medical supplies ng Pharmally.
Mula nang magsimula ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay naging bisyo ni Pangulong Duterte ang atakehin ang mga senador na nagsisiyasat sa Pharmally deal.
Mistulang abogado rin siya ng mga personalidad na sangkot sa usapin gaya nina dating PS-DBM chief Lloyd Christopher Lao at dating presidential economic adviser Michael Yang.
Kaugnay nito, itinanggi ni Presidential Security Group commander Col. Randolph Cabangbang na binibigyan proteksiyon ng PSG si Yang na nananatili sa Dusit Hotel sa Davao City.
“Personally, I do not know Michael Yang. I do not know his whereabouts, and definitely, no PSG personnel is securing him,” pahayag ni Cabangbang kahapon.
(ROSE NOVENARIO)