HINDI na kailangan magsuot ng face shield kapag nasa labas ng kanilang bahay maliban kung nasa lugar na sarado, siksikan, at may close contact sa ibang tao.
Inihayag ito kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People.
“I was informed by technical working group and medical experts, puwede na tanggalin sa labas. No more face shields outside. Ang limitasyon, gamitin mo sa 3 Cs crowded, closed facilities, and close contact. ‘Yung tatlo na ‘yan, face shield is a must pa rin,” aniya.
Ang pasya ng Pangulo ay inihayag tatlong linggo matapos mabisto sa Senado ang overpriced na pagbili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa daan-daang libong piraso ng face shields sa halagang P124 bawat isa mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation noong isang taon gamit ang P42 bilyong pondo ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Commission on Audit (COA) walang memorandum of agreement (MOA) ang DOH sa PS-DBM sa paglipat ng P42-B pandemic funds.
Batay sa 2020 COA report, may 485,000 expensive face shields ang nakatambak sa PS-DBM depots.
Naging sentro rin ng pagbatikos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagtatakda ng administrasyong Duterte na magsuot ng face shield habang kapos ang gamot para sa CoVid-19 ang mga ospital. (ROSE NOVENARIO)