TIMBOG ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nakuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang P500-buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon City police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Romel Villaester, alyas Omi, 33 anyos, residente sa Mangustan Road, Brgy. Potrero; Ricmar Ang, alyas Kulit, 35 anyos, ng Brgy. 120 Caloocan City, at Francisco Cal, alyas Ikoy, 49 anyos, ng Sitio 6, Brgy. Catmon.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jerry Basungit, dakong 1:30 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Banana Road kanto ng University Avenue, Brgy. Potrero.
Nagawang makipagtransaksiyon ng isang undercover police sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ang isang sachet ng shabu agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 15 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P102,000 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)