SA KABILA ng nagkalat na close circuit television (CCTV) camera sa lungsod ng Pasig, nakuha pa rin makatakas ng isang gunman na pumaslang sa isang 32-anyos lalaki sa harap mismo ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Bambang, nitong Sabado, 18 Setyembre.
Hindi na nakuhang isugod sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Gilson Garcia na agad namatay sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Ayon sa kanyang asawang si Maricel David, bandang 6:00 kamakalawa, nang pasukin sila ng isang armadong lalaking agad na ipinutok ang baril.
Ani David, katabi siya mismo ng biktima nang maganap ang insidente.
“Nakita ko lang naka-jacket siyang itim at nakasombrerong itim at mask na itim… Tapos payat at maliit,” ani David bagaman may suspetsa na siya kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.
Nang tanungin ng awtoridad kung sino sa tingin niya ang maaaring nasa likod ng pamamaslang, ani David, “Sila roon sa bukid… Sina Nano, Jonjon at Eboy… sila lang ang nagbanta noon sa asawa ko. Lagi nilang sinasabi sa akin ililibing na namin ‘yan ha… Malawak ‘yung paglilibingan dito. At walang makaaalam.”
Kaugnay nito, pinatututukan ni Philippine National Police chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa Pasig City PNP ang nasabing insidente ng pamamaslang.
Dahil dito, inatasan ni Pasig City chief of police, P/Col. Roman Arugay ang mga tauhan na magsagawa ng manhunt operation para maaresto ang mga suspek na brutal na pumatay sa biktima.
(EDWIN MORENO)