MAY nalalabi pang 11 araw upang magparehistro ang mga Bulakenyo bago ang huling araw ng pagpaparehistro sa 30 Setyembre.
Nanawagan si Gob. Daniel Fernando sa lahat ng mga Bulakenyong hindi pa rehistrado na kunin ang pagkakataong gamitin ang kanilang karapatang pumili ng mga susunod na mamumuno sa lalawigan ng Bulacan at sa bansa.
“Sa mga hindi pa nakapagpaparehistro, magparehistro na po kayo. Gamitin po natin ang ating karapatang bumoto at pumili ng mga lingkod bayan na makatutulong sa higit na ikatatagumpay ng ating pamahalaan, lipunan at komunidad,” ani Fernando.
Base sa Commission on Elections (COMELEC), ang pagpaparehistro sa Bulacan, na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), ay bukas mula Lunes hanggang Sabado kabilang ang mga holiday mula 8:00 am hanggang 5:00 pm sa Office of the Election Officer o satellite registration sites habang ang mga nasa ilalim ng MECQ at general community quarantine (GCQ) ay bukas hanggang 7:00 pm.
Upang makapagparehistro, maaaring bisitahin ang https://irehistro.comelec.gov.ph/ o magtungo sa tanggapan ng COMELEC. Makikita ang iskedyul ng rehistrohan sa mga satellite registration website nito na www.comelec.gov.ph o [email protected].
Ayon sa COMELEC, ang pagpaparehistro ay kailangan sa lahat ng kalipikadong Filipino na nais bomoto sa eleksiyon sa Filipinas sa ilalim ng Republic Act No. 8189. Sang-ayon dito, isang beses lamang kinakailangang magparehistro ngunit kung lilipat ng tirahan ay mangyaring mag-aplay ng paglipat ng kanyang tala ng rehistro.
Sa nasabing website, nakasaad ang mga kalipikasyon upang makapagparehistro ang isang Filipino kabilang ang edad na 18 anyos bago sumapit ang araw ng eleksiyon (Mayo 9, 2022); residente ng Pilipinas nang hindi kukulangin sa isang taon, at residente ng iyong barangay ng hindi kukulangin sa anim na buwan.
(MICKA BAUTISTA)