SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
IBA talagang magbitiw ng linya ang Eat Bulaga Dabarkads na si Joey de Leon. Kahit kasi sa campaign launch ng Panfilo Lacson-Tito Sotto tandem noong nakaraang linggo, may malamang linya siyang binitiwan.
September 8 isinagawa ang campaign launch ng Ping-Sotto Tandem kaya naman may mga nagtatanong kung pina-feng shui ito ng dalawang senador. Alam naman ng marami na itinuturing na lucky number ang 8.
Mukhang napaganda nga ang pag-postpone nila sa unang petsa na napili sana nila ng campaign lunch ng kanilang presidential and vice presidential tandem na August 4, na bukod sa “ghost month,” hindi rin malakas sa feng shui ang 4.
Pero kinansela noon nina Ping at Tito ang August 4 launch hindi dahil sa feng shui kundi dahil sa dumaraming kaso noon ng COVID-19 dahil sa Delta variant. Bukod doon ay ilalagay sa lockdown ang Metro Manila noong August 6.
At nang matuloy ang campaign launch noong Sept. 8, marami ang bumilib sa mga tinuran nina Lacson at Sotto na direct to point ang kanilang mensahe at walang halong entertainment.
Gustong patunayan nina Ping at Tito na they mean business at walang kengkoyan.
Marami rin ang nakapansin sa mensahe ni Joey de Leon tungkol sa husay ng minamanok niyang presidente at bise presidente.
Anang Henyo master,”Pagkakakilala ko kay Tito, para sa aming grupo isang magaling na lider o pinuno. ‘Yan ang huwaran namin pagdating sa kamag- anak o sa pamilya. Basta alam ko magaling si Tito, gayundin si Ping. Kaya one good plus one good eh ‘two/too’ good. Masyadong magaling.”